LOVABLES PRAYORIDAD NG PAMILYA KO PARTY-LIST

TINALAKAY ni Atty. Anel S. Diaz, kinatawan ng Pamilya Ko Party-list, sa Meet the Press Forum ng National Press Club ang mga isusulong na batas ng kanilang partido sakaling makapasok sa Kongreso sa darating na eleksyon.

PRAYORIDAD ng Pamilya Ko Party-list ang pagsusulong ng pantay na karapatan ng mga itinuturing na non-traditional modern Filipinos na nasa labas ng nakaugalian ng pamilya na tinawag nilang LOVABLES.

Sa Meet the Press Forum ng National Press Club sa Intramuros, Manila, sinabi ni Atty. Anel S. Diaz, kinatawan ng Pamilya Ko Party-list, na kabilang sa kanilang sektor ang tinagurian nilang LOVABLES:Live-in partners, OFW families, victims of domestic abuse, adopted families, blended families, LGBTQ+1, extended and elderly at solo parents.

Ayon kay Atty. Diaz, lahat ng miyembro ng kanilang partido ay galing sa mga nabanggit na sektor na pawang may hugot na nagsilbing inspirasyon para ituloy ang kanilang adhikain sa pamamagitan ng paglahok sa eleksyon at magkaroon ng boses sa Kongreso. Kabilang sa mga isusulong nilang panukalang batas ang pagkakaroon ng pantay na karapatan sa mga bata, lehitimo man o hindi, dahil hindi nila kasalanan na ipanganak sa kanilang estado o ipanganak na dehado.

Isusulong din nila ang domestic partnership law kung saan magkakaroon ng karapatang magmana sa isa’t isa ang matagal nang mag-live-in at karapatang magdesisyong medikal sakaling magkaroon ng emergency sa kanilang partner.

Ipinaliwanag ni Atty. Diaz na nananatiling “strangers” ang tingin ng lipunan sa live-in partners kaya sa panahon ng emergency, kapag nalaman na hindi ikaw ang legitimate spouse, nawawalan ang partner ng karapatang magdesisyon ukol sa medikal na kalagayan ng ka-partner. Kabilang din sa isusulong ng partido ang legal framework para sa surrogacy.

Ipinaliwanag ng kinatawan ng Pamilya Ko Partylist na maraming couples ang hindi kayang magkaanak kay napipilitan silang kumapit sa surrogacy na umano’y nagiging venue naman para sa human trafficking.

Kailangan na aniyang bigyan ng puwang ang batas para malaman kung kailan ito pwede nang magkaroon ng lehitimong kaparaanan ang mga couple na magkaroon ng anak. Sa kasalukuyang batas, pwede lang gamitin ang surname ng tatay ng mga illegitimate child subalit pagdating sa mana ay kalahati pa rin ang makukuha ng mga ito.

Iginiit din ni Atty. Diaz na kailangang magkaroon ng sistema para i-regulate ang depensa sa social media account para hindi ma-access ng mga menor de edad. Sa ngayon aniya ay walang national policy ukol dito. Ang pinaka epektibong paraan ay ang pagbibigay ng tamang edukasyon at proteksyon sa mga bata mula sa kanilang mga tahanan sa halip na regulasyon.

Samantala, naging panauhin din sa naturang forum si Philippine Tobacco Institute President Jericho Nograles na nagsabing panahon nang ibalik ang good manners and right conduct na may kasamang online conduct para maintindihan ng mga bagong henerasyon.

28

Related posts

Leave a Comment