KABILANG sa mga prayoridad ng mga senatorial candidate ng administrasyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pagsugpo sa kriminalidad sa bansa, partikular sa Metro Manila, na kanilang binigyang-diin sa kanilang kick off campaign sa Pasay City nitong Martes para sa midterm polls sa darating na Mayo.
Ayon kay dating Senate President Tito Sotto, isa sa nakikita niyang solusyon ang pagsasanib ng mga ahensya ng Dangerous Drugs Board at ng Philippine Drug Enforcement Agency sa paglaban sa mga krimeng may kinalaman sa iligal na droga.
“Isa sa mga panukala ko na pag-isahin ang Dangerous Drugs Board at ang Philippine Drug Enforcement Agency. Pinag-aralan ko iyan, sa loob ng 20 taon, sa Dangerous Drugs Act 9165 na ako ang principal author na lumikha sa PDEA. Pero sa paglipas ng mga panahon, kailangan na nating i-update,” ani Sotto sa pulong-balitaan.
Sabi pa ni Sotto, gusto niyang tawagin ang ahensya na Presidential Drug Enforcement Authority na mayroong mga bureau o departamento na tututok sa enforcement, prosecution, maging pagsugpo at rehabilitation.
“The concentration of the past kasi was enforcement. Huli ka nang huli pagkatapos ano kakasuhan 80 percent dismissed. Ang kailangan natin mas palakasin ang prevention and rehabilitation and it cannot be prevention, DepEd rehabilitation, DOH. Nakita na natin in the past it didn’t work,” paliwanag ni Sotto.
Si Makati City Mayor Abby Binay, nais tapikin ang mga barangay official para magsilbing frontliner para sawatahin ang paglaganap ng droga at mga kriminalidad na kaakibat nito.
Para kay dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, makatutulong din sa pagsugpo ng kriminalidad ang paglalagay ng mga CCTV sa bawat sulok ng mga barangay.
“Isa sa pinakatahimik na bansa na nakita ko ay ang UAE o Dubai. In fact, in my experience as the secretary of DILG, kung mayroong krimen, ang talagang nakakahuli o malaking bagay ay ang mga CCTV,” ayon kay Benhur.
Pagpapalakas naman ng criminal justice system at pagbabalik ng death penalty ang hirit ni Senator Francis ‘Tol’ Tolentino.
“Siguro aside from those previously mentioned, I would call for the strengthening of the criminal justice system and I have never wavered on this in the past two Congresses … I have filed measures calling for the reimposition of the death penalty. Hindi pa rin ho nagbabago ‘yong pananaw ko ‘yon that would be a great deterrent lalong-lalo na doon sa heinous crimes,” punto ni Tolentino.
Si dating PNP chief at former Senator Ping Lacson, sinabing kakulangan sa pag-implementa ng mga umiiral nang batas ang problema kaya hindi bumababa ang kriminalidad sa bansa. Kasama rin sa 12-member senatorial slate ng administration sa ‘Alyansa’ sina Senator Ramon Bong Revilla, Jr., Senator Pia Cayetano, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar.
