ANAK NI JANET LIM-NAPOLES TUMATAKBONG KONGRESISTA

RAPIDO NI TULFO

ISA sa mga pagpipilian sa mga tumatakbong party-list sa darating na halalan ay itong “KAUNLAD PINOY” na ngayon pa lang sasabak sa larangan ng pulitika.

At isa sa kanilang nominee ay itong si James Napoles, anak ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles

Si Janet Lim-Napoles ay kasalukuyang nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos na masentensyahan ng Sandiganbayan noong Oktubre 2023 sa walong kaso ng corruption cases.

Nahatulan si Lim-Napoles ng mahigit sa 106 taong pagkakakulong at inutusan ng korte na magbayad ng halagang P 241,820,000.

Binaligtad naman ng Court of Appeals ang naging desisyon ng Makati Regional Trial Court Branch 150 sa kasong “serious illegal detention” na isinampa ng kanyang pamangkin na si Benhur Luy.

Nalagay sa kontrobersiya si Janet Lim-Napoles matapos ma-expose ito na ibinubulsa ang perang galing sa pork barrel ng mga mambabatas para sa proyekto ng kanyang mga bogus na NGOs di-umano.

Ngayon ay tumatakbo naman sa pagiging kongresista sa pamamagitan ng party-list, ang anak nitong si James Napoles.

Isinumbong sa atin itong si James Napoles ng kanyang dating tauhan matapos na tanggalin siya nito at hindi bayaran para sa kanyang serbisyo na may kinalaman sa darating na halalan na nagkakahalaga ng mahigit na isang milyong piso.

Ayon pa sa kuwento ng naturang tauhan, siya raw ang responsable sa pag-aayos ng miting sa pagitan ni James Napoles at ang tumatakbong muli sa pagka-alkalde sa Maynila na si Isko Domagoso.

Pinaghintay raw ni Napoles ng halos dalawang oras si Mayor Isko kaya nainis ito at sinabihan ang mga tao nito na huwag nang ikampanya ang naturang party-list.

Mukhang wala ring direksyon ang layunin ng party-list na ito at ipinagmamalaki di-umano na kaya nilang manalo dahil may koneksyon sila sa isang mataas na opisyal ng Commission on Elections. (COMELEC).

Ngayon palang ay hindi na marunong magbayad itong si James Napoles paano pa kaya kung manalo ito?

29

Related posts

Leave a Comment