PAGBEBENTA NG GINTO NG MARCOS JR. ADMIN IPINASASAPUBLIKO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINIKAYAT ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na humingi ng transparency sa pagbebenta ng gobyerno ng gold reserves.

Sa isinagawang indignation rally sa Mandaue City, Cebu, muling binanatan ng dating lider ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, hindi alam ng publiko kung ilan ang ibinenta at kailan ginawa ang bentahan.

Pinalawig pa ni Duterte ang kanyang kritisismo kay Marcos Jr. at sinabing may balak itong huwag bitiwan ang kapangyarihan kapag nagtapos na ang termino nito sa 2028.

Maaaring aniyang mag-impose si Marcos Jr. ng martial law Tulad ng kanyang yumaong ama na si yumaong pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. upang garantisadong wala nang magaganap na halalan at manatili ito sa Malakanyang.

”Si Mr. Marcos is veering towards a dictatorship. Mo pusta ko sa inyo, dili na manaog pagkahuman sa iyang termino. Pareha na sa iyang tatay, magkagubot na pud ta because ang iyang buhaton mag-declare na pud ug martial law pareho sa iyang papa. ‘Pag martial law, walay eleksyon,” wika ng dating pangulo mula Davao.

Matatandaang nagdeklara ng batas militar ang ama ni PBBM noong Setyembre 21, 1972 at kasunod nito’y nanatili itong presidente hanggang sa maganap ang EDSA People Power Revolution na nagpatasik dito sa poder at napalayas sa Hawaii kasama ang kanyang pamilya noong Pebrero 1986.

Sa kanyang talumpati sa mga raliyista at tagasuporta sa Mandaue, hiniling din ni Duterte sa militar at pulisya na magdesisyon ng naaayon sa kanilang moralidad at huwag sakyan ang ambisyon ng isang tao.

Kabilang sa mga dumalo sa indignation rally sa Cebu noong Sabado ang mga kandidato sa Senado ng PDP-Laban na iniendorso ni Duterte kasama na si dating Executive Secretary Vic Rodriguez.

Akusasyon ni FPRRD
malabo – Escudero

MALABO para kay Senate President Francis Chiz Escudero ang alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patungo sa pagiging diktador si Pangulong Ferdinand Marcos Jr katulad ng kanyang ama.

Sinabi ni Escudero na una nang tinawag ni Duterte si Pangulong Marcos na mahinang lider at hindi kayang kontrolin ang pamamahala sa gobyerno.

Subalit hindi anya ito pumatok kaya ngayon ang akusasyon naman ay ang posibilidad na maging diktador bagay na hindi lang anya kabaliktaran kundi hindi makatwiran at walang katotohanan.

Sinabi ni Escudero na mahigit isang dekada na nyang kakilala ang Pangulo at nagkaroon pa siya ng pribilehiyo na makatrabaho ito ng halos mag-iisang taon na kaya masasabi talaga nya na hindi siya naniniwala sa paratang ni dating pangulong Duterte.

Una rito, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang akusasyon laban sa Pangulo ay nagmula sa isang tao na mahilig magsinungaling at mag-imbento ng mga kalokohan o walang katotohanang kwento.

‘Father Faker’

HINDI naman naitago ng isa sa mga tagapagsalita ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tila pagkapikon nito kay Duterte matapos ilutang na posibleng magdeklara si Marcos Jr. ng martial law.

“Ano bang tawag mo doon sa ano, hari ng, father faker, father ng mga fake news, ganun? Mother faker. Hindi ko alam kung paano n’yo, paano ang itatawag natin sa kanila. Father faker, mother faker o anong tawag sa mga anak nila? Fakerist,” wika ni House deputy majority leader Francisco Paolo Ortega V ng Unang Distrito ng La Union.

“Parang ganun iyong mga dating nila, parang mga super villain. Ewan ko ba. Ano ang nakukuha nila sa pag-ano, pag imbento ng fake news at saka paninira, lalung-lalo na sa HOR (House of Representatives),” parunggit pa ni Ortega.

Kahit si Ortega na kasama sa tinatawag na Young Guns sa Kamara de Representante at nagsisilbing tagapagsalita ng kapulungan ay hindi naitago ang pagkainis dahil sa patuloy na pagkakalat umano ng fake news ng mga Duterte.

Ayon naman kay Lanao del Sur District I representative Ziaur-Rahman ‘Zia’ Alonto Adiong, walang indikasyon na magdedeklara ang Pangulong Marcos Jr., ng martial law, hindi tulad noong nakaraang administrasyon na ang nanunungkulan presidente ay nagpapakulong ng isang senador.

“Wala ho sa administrasyon niya (Marcos Jr.) na may ‘sitting’ senator na kinasuhan at pinakulong pa. So there’s no indication to me,” ani Adiong na naniniwalang gumagawa lamang ng kuwento ang dating Pangulong Duterte, lalo na’t na-impeach ang kanyang anak na si Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio at nakatakdang litisin sa impeachment court. (May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA at PRIMITIVO MAKILING)

71

Related posts

Leave a Comment