LAGUNA – Nalagutan ng hininga habang isinusugod sa ospital ang isang STL collector makaraang umano’y patraydor na saksakin ng lalaking nakaalitan sa harap ng isang convenience store sa Brgy. Sampaloc, sa bayan ng Pagsanjan noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Mark Angelo De Mesa, 39, residente ng Brgy. San Isidro, Pagsanjan.
Batay sa kuha ng CCTV, bandang alas-5:00 ng umaga, makikitang nag-uusap ang biktima at ang suspek na kinilalang si Angelo Ablir, 23, sa bangketa ng intersection ng national highway at Agawin Road.
Sa hindi malamang dahilan, nagalit ang suspek at biglang bumunot ng patalim saka inundayan saksak sa dibdib ang biktima.
Agad tumakbo papalayo ang suspek habang naiwang nakatayo pa ang biktima at tila balewala ang tama habang nakabaon sa dibdib nito ang patalim.
Kalaunan, dinala ang biktima sa ospital subalit nalagutan ito ng hininga sa daan.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga pulis at naaresto ang suspek pasado alas-4:00 ng hapon.
Inihahanda na ang kasong murder na isasampa sa nasabing suspek. (NILOU DEL CARMEN)
