TIMBOG NA SI DIGONG! (Ano ang kasunod?)

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

BIGLA akong bumalik sa harap ng aking desktop computer upang muling bumuo ng kolum nang lumabas ang balita na inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Interpol Martes ng umaga, March 11, pagkadating niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) galing Hong Kong. Nagsumite na kasi ako ng kolum pagkatapos kong mag-almusal. Pero nang hulihin si Digong, napanis ang nilalaman ng aking kolum.

Nang isinusulat ko ang bagong kolum na ito ay nasa custody na si Digong ng Philippine National Police sa Camp Crame. Batay sa inisyal na ulat, may kinatawan ang Interpol sa NAIA bago pa dumating ang eroplanong lulan ang dating presidente.

Kahit pormal na kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) noong 2019 sa direksyon ni Duterte matapos na umpisahan ng internasyunal na korte ang imbestigasyon sa malagim na “drug war” sa panahon ng kanyang administrasyon, obligado ang ating gobyerno na igalang ang Interpol sa pagpapatupad ng arrest warrant na ilalabas ng ICC. Isa ang Pilipinas sa mga bansang kumikilala sa hurisdiksyon ng Interpol.

At pagkatapos masakote si Digong, kinumpirma ng Malakanyang na ang Interpol–Manila ay tumanggap na ng kopya ng warrant of arrest mula sa ICC upang hulihin ang dating pangulo.

Batay sa datos ng gobyerno, nasa 6,000 ang napatay na drugs pushers at addicts noong administrasyon ni Duterte sa pagpapatupad ng kanyang “Oplan Tokhang”. Ang karamihan ay “nanlaban daw” sa mga alagad ng batas. Batay naman sa istatistika ng human right group Karapatan, nararapat na managot si Duterte sa isinagawang “salvage” o “extrajudicial killings” sa mahigit 30,000 na pipitsuging pushers at users noong siya ang presidente.

##########

Nitong March 7, nagtungo si Duterte sa Hong Kong upang mangampanya sa mga OFW para iboto ang kanyang mga kandidatong senador sa ilalim ng PDP-Laban.

Lumikha ng ingay ang tila pasekretong biyahe ni Duterte. Sari-saring ispekulasyon ang naglutangan partikular ang gagawin ni Digong na pagtakas umano sa inilabas na raw na warrant of arrest ng ICC.

Nitong Lunes, niliwanag ni Fadi El Abdallah, spokesperson ng ICC, na ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Duterte ay magmumula sa kanilang tanggapan at wala pa silang inilalabas. Nagpahayag naman ang Malakanyang na handa sila sa anomang puwedeng mangyari.

Ngunit marami rin ang hindi naniniwala sa mga pahayag dahil kapuna-puna ang mga ulat nang galawan ng mga armadong tauhan ng estado sa iba’t ibang panig ng bansa partikular sa Davao City at Metro Manila na nagbabadya ng isang malaking kaganapan.

Hanggang sa lumabas na ang balita na arestado na nga si Digong. Ang tanong – ano ngayon ang susunod na kabanata?

##########

Bago pa hulihin si G. Duterte, naging isang mainit na usapan ang ICC arrest warrant sa mainstream at social media. Kanya-kanyang pahayag ang iba’t ibang kampo. May pagbubunyi na ang mga kalaban at kritiko ni Duterte dahil nalalapit na ang sandali ng paniningil sa maraming buhay na kanyang inutang sa kanyang madugong giyera laban sa ilegal na droga.

Subalit gaya ng dati, sinalubong lang ito ni Duterte ng isang pahayag na magkasamang biro na may halong seryoso. Nakahanda raw siya kung sakaling siya ay ipadadampot ng ICC, ang pahayag niya sa Hong Kong. Inamin ni Digong na matagal na siyang tinatarget ng ICC. Sa minsang pagdalo niya sa imbestigasyon ng Senado, walang kyeme-kyeme niyang isinambulat na marami nga siyang ipinatigok na isinagawa ng kanyang “death squad” dahil sa kanyang galit sa mga kriminal, ilegal na droga at mga nagkakalat nito. Na ginawa niya ang lahat para sa katahimikan ng bansa at maging payapa ang buhay ng mga Pilipino.

Nagbiro pa siya sa mga OFW na kapag siya ay ipinakulong ng ICC ay nararapat na mag-ambagan sila para ipagpatayo siya ng monumento katabi si Dr. Jose Rizal sa Luneta sa sandali ng kanyang paglaya. Sa edad ni Digong ngayon, kung sakaling siya ay ikukulong bilang parusa sa kanyang malagim na krimen, unat na ang kanyang dalawang paa kapag siya ay lumaya na sa kanyang selda.

##########

Lumalabas na walang amoy ang kampo ni dating Pangulong Duterte sa inilabas na warrant of arrest ng ICC. Dahil kung may impormasyon na sila rito, bakit bumalik pa siya sa bansa gayung puwede naman siyang manatili sa Hong Kong o saan man teritoryo ng Tsina? Hindi siya magagalaw ng ICC o Interpol dahil hindi ito kinikilala ng pamahalaang Tsina na pinaniniwalaang malapit na alyado ni G. Duterte.

Sa sitwasyon ngayon sa bansa na nasa gitna ng isasagawang eleksyon sa Mayo, lilikha ng malaking gulo ang pagkakaaresto kay Digong.

‘Yun nga lang impeachment ni Vice President Sara Duterte para patalsikin siya sa puwesto ay hindi matapos at bagkus ay nasa depensa pa ang Malakanyang, ang pag-aresto kay Digong ang isa pang magpapasakit ng kanilang ulo.

Pero sa mamamayan, ang mga susunod na mangyayari ay magsisilbing libangan din at palipasan ng oras sa gitna ng nakasusukang pangako at pamboboladas ng mga kandidato ngayong panahon ng kampanyahan.

16

Related posts

Leave a Comment