TRABAHO AT OPORTUNIDAD IBABALIK NI ISKO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ILANG linggo na lang, aarangkada na ang todong kampanya ng local candidates, at ngayon, ang dami nang naglulundagan — kumbaga sa daga, abandon na sila sa palubog na barko.

‘Yan ang reality ng politika, personal interest lagi ang inuuna, kailangan sa pagbalikwas ng administrasyon, kailangang may makakapitan para mag-survive.

Nangyayari na ito ngayon sa Manila politics, nagpaparamdam na ang maraming lider ng kabilang parlor, nagpapahatid-sabi na lilipat na sila sa Yorme’s Choice.

Abandon ship na sila, kahit ano pang gawing pagtatakip sa mga butas, patuloy na ang paglubog ng barko ng kabilang grupo.

Sa lahat ng survey, Topnotcher o laging numero uno si Yorme Isko, at ang mga kalaban, kumakain ng alikabok.

At kahit mismong survey ng taga-city hall, malinaw ang nakasulat sa pader, mene mene tekel upharsin, ayaw na sa kanila ng Manilenyo, at tiyak na ang pagbabalik ni Yorme, kasama si Ate Chi-Chi Atienza at mga konsehal na ang misyon, linisin ang dugyot ng Maynila.

Sa huling miting ng Yorme’s Choice na dinaluhan ng mahigit na 50K miyembro ng “KAAGAPAY” na mga Manilenyo, nagpahiwatig na si Isko, binanggit na niya ang mga plano na muling pasiglahin ang lungsod.

‘Pag nasa Manila city hall na sila, sinabi ni Yorme Isko, sisikapin nila na ang mga Batang Maynila ay maramdaman na may gobyerno na kakalinga sa kanila, ipararamdam ng Yorme’s Choice ang pagbabalik ng malasakit sa kapwa, na nawala.

Pangako ni Kois, ibabalik ng tambalan nila ni Ate Chi-Chi na maging kapitolyo uli ng bansa ang Maynila!

Unang gagawin nila, kung sila ay nasa city hall na: “Lilinisin natin ulit ang Maynila. Maliligo ulit. Naaawa naman ako sa mga taga-lungsod. Talaga namang dugyot ulit ang Maynila ngayon.”

Hindi ito paninira, it’s a fact, katotohanan ito.

‘Wag nang lumayo sa paligid ng city hall, sa may Lacson Underpass, sa Liwasang Bonifacio at kalapit pang lugar, mapapansin ang nagkalat na dumi; mga tambay pagala-gala, parang mga zombie.

Ang kriminalidad, lantad, sabi nga ni Yorme Isko, lima singko ang mga tolongges sa Maynila.

Kahit tanghaling tapat, “snatch dito, snatch doon; agaw dito, agaw doon; patayan dito, patayan doon.”

Ang masakit, sabi ni Yorme, “Para bang walang gobyerno na naman sa Maynila.”

Peace and order ang uunahin nila ni Vice Mayor Chi-Chi, kasi pag magulo, sino ang magnanais na magnegosyo sa Maynila.

Kailangang maibalik ang panatag na kalooban ng tao, at ‘pag panatag na, ‘pag mapayapa na, ang nawalang tiwala ay babalik, sabi ni Yorme Isko.

‘Pag may negosyo, ‘pag may investment, may trabaho; ‘pag may infrastructure projects, sisigla ang takbo ng ekonomya, at ang tao, sisigla, gagana ang talino at ang pagsisikap, ito ang dinamikong lakas na magtutulak sa pag-asenso ng madlang Manilenyo.

‘Pag nasa city hall na sila, ang unang focus ay magbigay ng trabaho sa tao; uunahin ang paglikha ng oportunidad sa hanapbuhay.

Priority nila, sabi ni Yorme ay ang “MBM,” ito ang minimum basic needs sa araw-araw na buhay, kasama ang maagap at tiyak na serbisyong medikal, edukasyon, housing, at pagkakakitaan sa disenteng paraan.

Ang panawagan lagi ng Yorme’s Choice, ‘wag mainip, konting panahon na lamang ang pagtitiis, darating din ang araw, kung sa dilim, mapapawi iyon, at magliliwanag.

‘Yung mga nais sumama sa bagong pag-asa at bagong sigla ng Maynila, sige lang, walang pipigil sa inyo.

Kung ang intensiyon ay maging kabalikat sa pagbabago, bukas ang Yorme’s Choice.

Lagi namang sinasabi ni Yorme Isko, siya ay Manila mayor ng lahat, lalo na ang mga ayaw sa kanya ngayon, at alam niya, sa pagbabalik niya, kasama si Vice Mayor Chi-Chi Atienza, sasama sila sa muling pag-unlad, ang muling pagsigla at pagyabong ng Maynila na totoong kapitolyo ng bansa.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

18

Related posts

Leave a Comment