ILANG PUNONG BARANGAY HINIMOK ‘WAG IDAMAY SA PAMUMULITIKA ANG ALLOWANCE NG SENIORS

HINIMOK ni MANILA Mayor Honey Lacuna ang ilang barangay chairman na huwag nang idamay sa pamumulitika ang allowances ng mga senior citizen at hayaan itong makuha nang mabilis at walang balakid.

Ginawa ni Lacuna ang panawagan matapos makatanggap ng ulat na may ilang barangay chairmen, na kilalang malapit sa kanyang political rivals na nagbabantang pahihirapan ang mga senior citizen na sumusuporta sa buong tiket ni Lacuna na makuha ang kanilang buwanang allowances mula sa pamahalaang lungsod.

“Bagama’t iilan lang naman ang mga chairman na ito, hindi ito dapat na mangyari. Walang kinalaman sa pulitika ang tulong na ibinibigay ng ating pamahalaang-lungsod para sa ating mga lolo at lola. Para sa kanila ‘yan kaya sana ay ibigay ninyo ang dapat na para sa kanila,” saad ng lady mayor.

Iginiit ng alkalde na hinihintay na ng mga senior citizen ang nasabing cash aid para makadagdag sa mga personal na gastusin tulad ng maintenance medicines.

“Maliit na nga lang ang naibibigay ng ating pamahalaang-lungsod, pahihirapan pa ang ating mga senior citizens. Ako po ay nakikiusap na ‘wag po ninyo itong gawin kung hindi ay mapipilitan kaming gumawa ng hakbang upang agad na makuha ng mga lolo at lola ang munting ayuda na para sa kanila,” ayon pa kay Lacuna.

Hinimok din ng lady mayor ang lahat ng senior citizens na nakaranas ng panggigipit sa pagkuha ng kanilang allowances na i-report ang kanilang nararanasan sa City Hall para magawan ng kaukulang aksyon, at ipinangako na hindi niya hahayaang umiral ang ganitong pangit na sistema sa kanyang administrasyon.

Ayon naman kay Office of Senior Citizens’ Affairs head Elinor Jacinto ang allowances ng senior citizens’ ay naging doblado na para sa kabuuang P3,000 bawat isa at ito ay sumasakop sa buwan ng Enero hanggang Marso at ipinamamahagi sa pamamagitan ng cash payout upang maging madali ang pagkuha. Matatandaang naging tampulan ng reklamo ang dating sistema ng pagkuha ng allowances noong panahon ni dating Mayor Isko Moreno kung saan idinaan sa PayMaya ang allowances.

Sinabi pa ni Jacinto na ipinakita ni Lacuna ang lahat ng pagtitiwala at kumpiyansa sa mga barangay chairperson na gagawin nilang kumbinyente at madali ang pagkuha ng allowances ng mga senior citizen.

“Pahalagahan po sana natin ang tiwalang ibinigay ng ating alkalde. Lahat po tayo ay tatanda,” dagdag ni Jacinto at iginiit na dapat ay hindi sumasawsaw sa partisan politics ang mga Punong Barangay.

Ginawang double ni Lacuna ang seniors’ allowances mula P500 ay ginawa itong P1000 nang lagdaan niya ang ordinansa noong Oktubre ng nakaraang taon. (JESSE KABEL RUIZ)

18

Related posts

Leave a Comment