DOJ RESOLUTION SA REKLAMO VS VP SARA DUTERTE, INAANTABAYANAN NG NBI

INAANTABAYANAN pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang desisyon ng National Prosecution Service sa inihain nilang reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang pahayag ng NBI ay kaugnay sa binitiwang salita ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sa “Meet the Press” forum, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago Jr., nasa kamay na ng DOJ prosecutors kung itutuloy sa preliminary investigation ang inihain nilang reklamo

Maaari rin aniyang i-dismiss na lamang ng DOJ ang reklamo kung makikita nilang kulang ang batayan.

Nanindigan naman si Santiago na tungkulin nila ang pag-imbestiga sa anomang banta sa matataas na lider ng bansa at pagsasampa ng reklamo kapag may nakita silang sapat na basehan.

Samantala, wala umanong pagkakamali sa panig ng mga pulis na umaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit pa wala silang pisikal na kopya ng arrest warrant.

Ang pahayag ni Director Santiago ay kasunod ng lumutang na mga isyu na wala umanong hawak na kopya ang mga awtoridad nang arestuhin ang dating Pangulo at binasa lang ito sa telepono.

Paliwanag ni Santiago, isang dating judge sa Manila City Regional Trial Court, kahit wala pang hawak na kopya ng warrant of arrest ay pwedeng arestuhin ang isang indibidwal at pagkatapos ay saka na lang ipakikita ang arrest warrant.

Iginiit din ng opisyal na hindi pwedeng akusahan ang gobyerno ng state kidnapping sa dating Pangulo dahil may warrant of arrest ito. (JOCELYN DOMENDEN)

7

Related posts

Leave a Comment