PARAYNOS HINDI NA PAPAYAGAN NG PNP, DILG NA MAKAPASOK SA URDANETA CITY HALL

BASE sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi na papayagan makapasok sa city hall ang magpinsang Urdaneta City Mayor Julio Parayno Jr. at Vice Mayor Jimmy Parayno.

Ito’y matapos kordonan ng mga tauhan ng PNP at DILG ang luma at bagong city hall ng Urdaneta City, Pangasinan para tiyaking hindi na makapapasok ang magpinsan sa city hall.

Kaugnay ito ng kautusan ni DILG Secretary Jonvic Remulla kay DILG region 1 director Jonathan Leusen base sa desisyon ng Malakanyang na 1 year suspension laban sa magpinsan dahil sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority.

Nabatid na nakasaad sa kautusan ni Remulla, hindi na dapat papasukin sa city hall at extention office ng Urdaneta City ang mga Parayno.

Ito’y matapos makarating kay Remulla na sa kabila ng suspension order ng Malakanyang sa magpinsang Parayno noong January 7 ngayong taon ay patuloy ang mga itong pumapasok sa city hall.

Sinabi sa ulat na nang malaman ni Sec Remulla ang pag-isnab ng mga Parayno sa utos ng Malakanyang ay agad itong naglabas ng 10 araw na ultimatum para sundin ang 1 year suspension order.

Noong January 3, taong ito inilabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang kautusan sa DILG na ipatupad ang 1 year suspension order matapos mapatunayang guilty sa kasong grave abuse of authority at grave misconduct ang magpinsang Parayno nang ilegal na palitan sa puwesto si punong barangay Michael Brian Perez bilang presidente ng Liga ng mga Barangay noong 2022 at palitan ng pinapanigang indibidwal.

Samantala, sinabi ni Atty. Romeo Benitez, Usec for Legal Affairs ng DILG, wala nang hurisdiksyon ang mga Parayno na gumanap sa kanilang posisyon mula Enero7 nang igawad ng DILG ang suspension order laban kanila. Kaya pag-aaralan anya ng DILG ang iba pang mga kasong maaaring isampa sa magpinsan kaugnay sa paglabas ng mga kautusan at pagpirma sa mga dokumento sa loob ng mga araw ng kanilang suspension.

Kaugnay nito, itinalaga ng DILG na acting mayor at acting vice mayor sina first Councilor Franco del Prado at 2nd Councilor Warren Andrada.

Nauna nang sinabi ni Secretary Remulla na naabisuhan na ng DILG ang Commission on Audit, Land Bank at lahat ng ahensya na legally ay hindi na maaaring pumirma ang mga Parayno ng anomang dokumento. (PAOLO SANTOS)

 

9

Related posts

Leave a Comment