‘MAGANDA ANG POGI’ TOURISM CIRCUIT AT MEDICAL MISSION NI GOV. HELEN TAN

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

NAGING matagumpay ang “MAGANDA ang POGI” Tourism Circuit sa Sitio Bigyan, Barangay Sibulan, Polillo, Quezon.

Ang programang ito, sa pangunguna ng Provincial Tourism Office sa pamumuno ni PTO Nesler Louies Almagro, ay isang hakbangin upang ipakita ang likas na kagandahan ng Polillo Group of Islands (POGI) at itampok ito bilang isang pangunahing destinasyon ng turismo sa bansa.

Nabatid na ang inisyatibong ito ay nakaugat sa bisyon ni Governor Doktora Helen Tan na gawing nangungunang pang-agrikulturang destinasyon ang lalawigan ng Quezon pagsapit ng 2030.

Sa loob ng anim na araw mula Marso 15-20, masisilayan ng publiko ang kaakit-akit na asul na dagat, pinong puting buhangin, masasarap na lokal na pagkain, at kahanga-hangang tanawin na maipagmamalaki ng POGI. Ang pagdalo nina Governor Doktora Helen Tan, Regional Director Marites Castro, at Board Member John Joseph Aquivido, ay patunay ng matibay na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapalakas ng turismo sa rehiyon.

Ngunit higit pa sa turismo, ipinakita rin ng pamahalaang panlalawigan ang malasakit nito sa mamamayan sa pamamagitan ng hatid-serbisyong pangkalusugan.

Kasabay ng paglulunsad ng turismo, isang malawakang Medical Mission ang isinagawa sa bayan ng Polillo, kung saan 3,705 residente ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal.

Kasama sa mga serbisyong ito ang medical check-up, pagbunot ng ngipin, tuli, minor surgery, cervical cancer screening, libreng gamot, at konsultasyon sa mata na may kasamang libreng salamin.

Bukod dito, naisagawa rin ang mga laboratory examinations gaya ng ECG, X-ray, Ultrasound, CBC, FBS/RBS, Urinalysis, Uric Acid, at Cholesterol testing.

Hindi magiging posible ang matagumpay na Medical Mission na ito kung wala ang suporta ng East Avenue Medical Center, Batangas Medical Center, RAKKK Prophet Medical Center Inc., Rizal Medical Center, Southern Luzon Command (SOLCOM), QPHN-Quezon Medical Center, Provincial Health Office, Philippine Navy, at mga pribadong doktor at dentista. Ang kanilang pakikiisa ay isang inspirasyon upang ipagpatuloy ang ganitong mga programa sa iba’t ibang panig ng Quezon.

Bukod sa health services, hindi rin kinalimutan ang kapakanan ng mga alagang hayop sa Polillo.

Sa pangunguna ng Office of the Veterinarian, 138 na may alagang hayop ang nakapagpakonsulta at 53 alagang hayop ang naturukan ng anti-rabies vaccine.

Samantala, ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ay namahagi ng medical assistance sa 385 pasyenteng hindi available ang kanilang mga iniresetang gamot at inirekomendang laboratoryo.

Aba’y sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan, asahan natin ang patuloy na pag-usbong ng Quezon bilang isang modelo ng progresibong turismo at serbisyong pampubliko.

5

Related posts

Leave a Comment