(NI BETH JULIAN)
SANAY na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga balitang naospital siya kapag hindi siya nakikita ng publiko.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, natatawa na lamang ang Duterte sa mga naglitawang balita na naospital siya ng ilang araw dahil sa cardiac arrest.
Ayon kay Panelo, nagkausap sila ni Duterte Linggo ng umaga at napag-usapan na walang planong balikan o kasuhan ang mga nagpapakalat ng mga maling balita hinggil sa kanyang kalusugan.
“Hayaan na lamang daw sabi niya, sanay na raw siya,” wika ni Panelo na tumutukoy sa Pangulo.
Dito ay iginiit ni Panelo na maayos ang kondisyon ng pangangatawan ng Pangulo at nasa kanya lamang itong kuwarto na nagpapahinga habang nagbabasa at lumalagda ng mga papeles.
Iginiit ni Panelo na tuloy ang trabaho ng Pangulo kahit na hindi ito nakikita ng publiko o lumalabas.
Tiniyak din ni Panelo na regular ang check-up ng Pangulo sa kanyang doktor kaya walang dapat na ipag-alala ang taumbayan.
Muling nanindigan si Panelo na hindi naospital ang Pangulo ng mga nakaraang araw pero hindi naman makumpirma ng tagapagsalita kung nagpa-check up ang Pangulo o hindi o kung pinuntahan ito ng mga doktor sa Bahay Pagbabago.
Ikinatwiran pa ng Pangulo na hindi nagpakita sa publiko ang Pangulo ng ilang araw dahil may mga aktibidad ito na hindi na naman kailangan pang isapubliko o ipakita sa media.
Gayunman, tiniyak ni Panelo na kung mayroon mang seryosong karamdaman ang Pangulo, ito mismo ang magsasabi sa taumbayan tulad ng mga nauna na nitong pangako.
146