AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MAGANDA sana kung mangyayari na back to normal ang mga Pilipino pagkatapos ng 2025 midterm election, kaya lang mukhang hindi ito ang magiging sitwasyon natin dahil ang susunod na pagkakaabalahan ng ating mga mambabatas ay ang impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Bago pa man simulan ang kampanyahan ng 2025 midterm election noong Pebrero 5, 2025, isang impeachment complaint ang inihain laban kay VP Inday Sara na ang kauna-unahang lumagda ay si Rep. Sandro Marcos ng Ilocos Norte at ang pinakahuli ay si House Speaker Martin Romualdez.
May kabuuang 215 kongresista ang lumagda na lagpas sa ikatlong bahagi ng bilang ng mga mambabatas na kinakailangan para maiakyat ito sa Senado kung saan isasagawa ang pagdinig.
Inakusahan ng mga complainant si VP Sara ng paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, graft and corruption, at iba pang matataas na krimen – ang apat na batayan para sa impeachment na nakabalangkas sa Artikulo XI, Seksyon 2 ng 1987 Constitution.
Kabilang sa pinagbasehan ng impeachment ay ang P125 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na humantong pa sa pagpapatawag ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay VP Sara at sa mga tauhan nito.
Binusisi ng mga mambabatas kung paano ginastos ng OVP ang nasabing halaga ng confidential funds, kung tutuusin bakit ang tanggapan lamang ng pangalawang pangulo ang kanilang iniimbestigahan sa paggamit ng confidential funds.
Kung talagang gusto ng mga mambabatas na malaman nila kung saan napupunta ang confidential funds (CF) ay unahin nila ang pondo na ibinibigay sa Office of the President na hindi milyong piso ang CF kundi bilyun-bilyong piso pa.
Hindi maitatago ang katotohanan na kaya inihain ang impeachment laban kay VP Sara ay dahil sa pampulitikang usapin para pigilan ito sa posibleng pagtakbo sa 2028 presidential election.
Ano ang pakinabang ng mga ordinaryong Pilipino sa impeachment? Makakain ba ‘yan ng mga Pilipino?
Sa halip, dahil sa impeachment na ‘yan ay lalo pang nagkakahati-hati ang mga Pilipino ngayon.
Mas marami pang problema na dapat na tutukan ng gobyerno kaysa impeachment, nariyan ang mataas na presyo ng mga bilihin, kabuhayan para sa mga Pilipino, seguridad sa buong bansa.
Kung ang gagastusin sa impeachment na ‘yan ay gagamitin na lamang para maibaba ang presyo ng mga bilihin, hindi pa pagmumulan ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Maganda sana pagkatapos ng eleksyon ay magkaroon ng reconciliation sa pagitan ng mga magkakalabang partido, pero mukhang hindi ito ang mapupuntahan kundi ang lalo pang paglala ng mga hidwaan sa mga magkakalabang politiko partikular sa pagitan ng mga Duterte at Marcos.
Noong 2022 national and local elections ay dati namang magkakampi ang mga Duterte at Marcos, subalit makalipas lang ang ilang taon nang umupo ang BBM admin ay nagkaroon na ng bangayan sa pagitan ng dalawang pamilya na kilala sa pulitika.
Sa bangayan ng mga Duterte at Marcos ang apektado ay ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino na sumusweldo lamang ng minimum at umaasa ng karagdagang ayuda mula sa gobyerno.
Dahil sa impeachment na nakatakdang simulan ang pagdinig sa Senado, ay walang ibang gagawin ang mga mambabatas kundi bigyan nila ng panahon ang usapin na ‘yan hanggang sa matapos.
‘Yan ay isang pagsasayang ng pera, panahon at pagkakawatak-watak ng mga Pilipino imbes na ang dapat asikasuhin ng mga nakaupo sa pamahalaan ay pagkaisahin tayo at tutukan nila ang kaunlaran ng ating bansa.
Kung puro personal ang unahin at ang paghahandaan ng mga politikong Pilipino ay ang susunod na 2028 presidential election, hindi makakaasa ang mga Pilipino sa kaunlaran ang ating bansa.
Hindi uusad ang bansa natin kundi magpapatuloy tayo sa pagbagsak hanggang sa humantong tayo sa pinakamahirap na bansa sa buong Asya.
Para sa inyong katanungan, mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.
