Kalaban na-DQ ng Comelec REP. ABANTE BALIK KONGRESO

BALIK sa Kongreso si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., matapos bawiin ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ni Luis “Joey” Chua Uy makaraang mapatunayan na hindi ito natural-born Filipino.

“This is not about personalities—this is about the rule of law. The Constitution must prevail. Our democracy depends on it,” pahayag ni Abante matapos siyang ideklara bilang nanalong kinatawan ng ika-6 na distrito ng Lungsod ng Maynila noong nakaraang May 12, 2025 election.

Base sa resulta ng halalan, si Uy ay nakakuha ng 64,746 na boto laban sa 63,358 ni Abante kaya ito ang iprinoklama ng Comelec na nanalo sa congressional seat ng ika-6 distrito ng Lungsod ng Maynila.

Si Uy ay inakusahang hindi natural born citizen dahil Chinese nationals ang kanyang mga magulang nang ipinanganak ito noong 1962.

Saka lamang naging Filipino citizen ang kanyang mga magulang noong 1967 at saka inisyuhan ng identification certificate si Uy ng Bureau of Immigration subalit hindi dahil sa birth right kundi dahil sa naturalization ng kanyang ama.

Dahil dito, diniskwalipika ng Comelec ang kandidatura ni Uy at dahil si Abante lamang kalaban nito sa nakaraang eleksyon ay ang huli ang iprinoklama ng komisyon na nanalong kandidato sa nasabing distrito.

“The Constitution is clear—only natural-born Filipino citizens are qualified to serve in Congress. The Comelec ruling reaffirms this fundamental requirement and protects the integrity of our democratic institutions,” ani Abante.

Si Abante na chairman ng House Committee on Human Rights, ay kabilang sa Quad Committee na nag-imbestiga sa pagkakaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa illegal drugs at extra-judicial killings (EJK) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na sa tinutukan ni Abante ang walang habas na pagpatay umano sa hinihinala pa lamang na drug personalities kapalit na reward money.

Sa desisyon ng Comelec second division, pinawalang bisa nito ang proklamasyon ni Uy.

Ang desisyon ni Comelec Commissioner Rey Bulay kasama ang dalawa pang komisyoner, pinaboran ang petisyon ni Abante Jr. na nagsabing hindi kwalipikado ang kanyang katunggali dahil sa usapin ng citizenship.

Binawi ang pagkapanalo ni Uy dahil saklaw ng 1935 Constitution kung saan itinuturing siyang naturalized citizen bunga ng pagkakaroon ng dayuhang ama na kalaunan ay naging naturalized na Pilipino.

Ang desisyon ng Comelec en banc ay maari pang iapela ni Uy sa nasabing tanggapan.

(BERNARD TAGUINOD/JOCELYN DOMENDEN)

29

Related posts

Leave a Comment