HINDI INAALIS ng ilang mataas na mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines na posibleng hindi lang negosyo ng international drug cartel ang motibo sa pagpupuslit ng tone-toneladang shabu sa Pilipinas kundi sinasadya ito ng China para wasakin ang isipan ng mga kabataang Pilipino.
Sa ginanap na pulong balitaan ng AFP sa general headquarters ng Philippine Air Force nitong Martes, inihayag ni Navy Spokesman on West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi malayo na ginagawa ito ng China para sirain ang kaisipan ng ating mga kabataan.
“It’s not far fetch,” ani Adm. Trinidad.
Kung matatandaan, mismong si U.S. President Donald Trump ang nagbanta sa China na itigil na ang pagpupuslit sa Amerika ng Fentanyl kung hindi ay magpapatupad sila ng trade embargo.
Kahapon ay binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency para silipin ang bulto-bultong shabu na nabingwit sa karagatan sa bahagi ng Hilagang Luzon. At dito ay ipinag-utos ang agad na pagwasak sa mga narekober na shabu.
Pinakahuling nadagdag sa hawak na droga ng PDEA ang nasa 1.5 tonelada ng shabu na may street value na aabot sa P10 bilyon, na nasabat ng Northern Luzon Naval Command ng Philippine Navy, sa ilalim ng AFP Northern Luzon Command, sakay ng isang Philippine registered fishing vessel sa karagatang sakop ng Zambales noong nagdaang linggo.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Capt. John Percie Alcos, sakay ng nasabat na fishing vessel ang ilang foreign nationals.
“This is one of the largest illegal drug apprehensions in the history of the Philippine Navy,” ani Capt. Alcos sa kanilang ulat kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ambrosio Ezpeleta.
Agad na inutos ni Vadm. Ezpeleta na ilipat sa Naval Operating Base sa Subic, Zambales ang nasabat na mga droga para sa proper documentation at gagawing turnover sa Philippine Drug Enforcement Agency na naging katuwang din ng NLNC na pinamumunuan ni Commodore Edward Ike De Sagon, sa nasabing operasyon.
Agad ding isasalang sa follow-up investigation ang mga sakay ng nasabat ng fishing boat.
(JESSE KABEL RUIZ)
