TESTIGO SA REKLAMO VS LOCAL OFFICIALS SA LAGUNA, ITINUMBA

LAGUNA – Patay ang isang ginang matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek na nakamotorsiklo sa isang vulcanizing shop sa national highway ng Brgy. Canlalay, Biñan City noong Martes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Phoebe Dawn Marie Monton, 36, residente ng Brgy. San Antonio, Biñan City, Laguna.

Ayon sa imbestigasyon ng Biñan City Police Station, bandang alas-10:00 ng umaga, nasa vulcanizing shop ang biktima nang biglang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ito.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Olivarez Stoplight.

Agad dinala ang biktima sa Ospital ng Biñan para sa medikal na atensyon ngunit idineklarang wala nang buhay.

Lumabas sa imbestigasyon na katatapos lang dumalo ng biktima sa isang pagdinig sa korte kung saan siya ay tumatayong testigo sa isang kasong isinampa noong Nobyembre 2024 sa Ombudsman.

Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa konstruksyon ng isang ospital kung saan idinawit ng biktima ang ilang lokal na opisyal at iba pang indibidwal sa kaso ng katiwalian.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment