PARA SA CLOUT, WALA NANG HIYA

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY kumakalat ngayong video kung saan may babaeng humiga sa loob ng freezer ng isang sangay ng Alfamart. Oo, sa loob mismo ng freezer kung saan nakalagay ang frozen goods na ibinebenta sa mga customer. Ginawa raw niya ito para sa “content.” Sabi ng ilan, nagpapatawa lang daw siya. Sabi ng iba, gusto lang sumikat. Pero kahit anong dahilan pa, hindi ko pa rin matanggap na may gumagawa ng ganito para lang sa likes at views.

Hindi mo kailangan ng diploma para malaman na mali ito. Hindi ito tungkol sa talino o pinag-aralan. Basic na kaalaman at respeto ito. Lugar iyon para sa pagkain, hindi para sa katawan ng isang taong walang pakialam sa kalinisan. Ibang usapan na ‘to. Hindi lang ito kabastusan, kundi posibleng panganib din sa kalusugan ng ibang tao.

Mas nakakaawa pa rito, baka ang mga staff ng tindahan ang maparusahan. Isipin mong ikaw ang crew na nagtatrabaho nang maayos at marangal. May pumasok na customer, biglang sumampa sa freezer, at gumawa ng video. ‘Pag naging viral na, sino ang unang sisisihin? Hindi naman ‘yung gumawa ng kalokohan, kundi yung empleyado. Baka masabihan pa ng “Bakit hinayaan?” kahit abala siya sa pagbabantay ng tindahan o pagbibilang ng paninda. Ganyan talaga minsan. Ang empleyado ang laging nadidiin.

Hindi ko maintindihan kung bakit parang lahat ng tao ngayon ay gustong maging vlogger. Parang ito na ang bagong “career goal.” Lahat gusto maging sikat, lahat gusto kumita. Pero ang tanong, anong klaseng content ang ginagawa? Marami ang basta na lang humaharap sa camera kahit walang malinaw na layunin. Minsan, kahit kabobohan na, itutuloy pa rin nila. Ang mahalaga lang sa kanila, sumabog ang views.

Ang problema, hindi lang siya ang gumagawa ng ganito. Marami na tayong nakita. ‘Yung sumasayaw sa gitna ng daan habang may dumarating na sasakyan. ‘Yung nagpapanggap na may sakit para kaawaan. ‘Yung nanloloko ng ibang tao para lang sa prank. At ngayon, heto na naman tayo. Freezer naman ang ginawang higaan. May susunod pa kaya? Ref? Kariton ng fishball?

Bakit ba tila nawawala na ang hiya sa katawan ng ilan? Bakit parang hindi na uso ang respeto sa sarili at sa ibang tao?

Dapat ibalik sa eskuwelahan ang GMRC o Good Manners and Right Conduct. Hindi lang ito para sa mga bata. Kundi para rin sa mga matatanda na tila nakalilimot sa tamang asal. Dapat may aral hindi lang sa utak kundi pati sa puso. Dapat matutunan ng bawat isa ang konsepto ng tamang asal, kahit hindi ito graded.

Hindi lahat ng mga bagay ay para sa views. Hindi lahat ng content ay dapat i-upload. At hindi lahat ng kabaliwan ay dapat palakpakan. Kapag ang kabastusan ay ginagawang katatawanan, mali na agad ‘yan. At kapag ang kabobohan ay pinapalakpakan, may malalim na problema tayong dapat harapin bilang isang lipunan.

Ang freezer ay para sa pagkain. Hindi para sa content. Hindi para sa kahihiyan. At siguradong hindi para sa mga taong handang isugal ang respeto, kalinisan, at dangal kapalit ng ilang segundo ng kasikatan.

Ang malamig na katotohanan, ang clout ay hindi sapat na dahilan para mawala ang hiya mo bilang tao.

 

22

Related posts

Leave a Comment