2 opisyal ng DPWH kinuwestiyon sa isyu ng pagkumpuni ng Cabagan bridge sa Isabela

KINUWESTIYON ng ilang sektor ang naging papel ng matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways sa umano’y pagkabigong makumpuni at mapagpatibay ang Sta. Maria – Cabagan Bridge sa lalawigan ng Isabela sa kabila ng matagal na panahon ng kanilang panunungkulan.

Si Usec. Eugenio Pipo, Jr., na nagsilbing Assistant Secretary for Luzon Operations mula 2016 hanggang 2020, ay naitalaga bilang Undersecretary for Regional Operations noong 2022. Sakop ng kanyang nasasakupan ang Cordillera Administrative Region, Region I, Region II, at ilang bahagi ng Mindanao.

Bilang Usec for Operations, siya ang may direktang pamamahala sa mga proyektong imprastraktura sa naturang mga rehiyon.

Kasama niya sa pamunuan si Undersecretary Ador Canlas, na nagsilbing kanyang Assistant Secretary mula 2022 hanggang 2023. Kalaunan ay naitalaga rin si Canlas bilang Undersecretary for Technical Services, kung saan siya ang nag-apruba sa Retrofitting Design ng Cabagan Bridge.

Sa kabila ng mga taon na panunungkulan nina Pipo at Canlas sa Luzon at ng kanilang direktang ugnayan sa proyekto ng tulay, nanatiling hindi maayos at bumagsak pa rin ang nasabing tulay – isang pangyayaring naging sanhi ng pangamba sa kaligtasan ng publiko.

Ayon sa mga ulat, nagpadala pa umano ng imbitasyon ang grupo nina Usec. Pipo at Usec. Canlas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa inagurasyon ng nasabing tulay, subalit hindi ito nadaluhan ng Pangulo.

Gayunpaman, walang naging malinaw na aksyon o progreso ang naitalang mga hakbangin para sa pagsasaayos ng tulay sa loob ng pitong taong hawak ni Usec. Pipo ang proyekto. Maging ang disenyo para sa retrofitting na aprubado ni Usec. Canlas ay hindi rin naging sapat upang maiwasan ang pagbagsak ng tulay.

Hanggang sa kasalukuyan ay walang opisyal na pahayag mula kina Usec. Pipo at Usec. Canlas ukol sa mga alegasyong ito. Patuloy namang nananawagan ang publiko para sa masusing imbestigasyon at pananagutan sa mga responsable sa insidente.

16

Related posts

Leave a Comment