DPA ni Bernard Taguinod
KAPAG bumabagyo na may dalang malalakas na ulan, lalabas ang mga ebidensya ng corruption, hindi lamang sa malalaking infrastructure projects ng gobyerno kundi maging sa mga lansangan.
Mula noong July 15 nang magparamdam ang bagyong Crising ay inulan ang buong Luzon at ilang parte ng Visayas na nagpalubog sa mga probinsya dahil sumunod sina Dante at Emong na lalong nagpahirap sa mga tao.
May bagyo pa sa labas ng area of responsibility ng Pilipinas na may international name na Krosas na bagama’t hindi raw papasok ay magdadala pa rin ng ulan sa Luzon kasama na ang Metro Manila.
Kahit bumabagyo at malakas ang ulan, marami sa atin ang hindi maiwasang lumabas ng bahay para maghanapbuhay kaya nasaksihan nila ang larawan ng ‘corruption’ sa pangunahing mga lansagan tulad ng Commonwealth Avenue, bahagi ng EDSA at ilang kalsada sa Metro Manila.
Uka-uka ang mga kalsada dahil natunaw sa ulan ang espalto na nagpahirap sa biyahe ng mga motorista na taon-taon pinagbabayad ng road user’s tax at nakahihiya sa diplomatic corps na daraan sa EDSA at Commonwealth Avenue para dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Walang ibang dahilan na naiisip ng mga tao kung bakit nagkakaganito ang mga kalsada kapag umuulan kundi corruption at kung hindi man ay tila sadyang sinasayang ng mga taong gobyerno ang pera ng bayan para masabi lang na may ginagawa.
Maraming bansa naman ang inuulan din pero hindi naman nauuka ang espalto nila pero sa atin, konting ulan lang ay parang buwan ang mga kalsada natin, kaya hindi mo masisisi ang mga tao na isiping corruption ang dahilan kaya nauuka ang mga kalsangan kapag umuulan, wala nang iba!
Bukod dito, ang daming flood control projects ang nasira dahil hindi nakaya ang dami ng ulan na bumagsak at kailangang gastusan uli para mailigtas ang mga komunidad na maapektuhan kapag nagkaroon ulit ng mahabang tag-ulan.
Alam ng mga eksperto na dapat matatag na flood control projects ang itayo pero magtataka pa bakit nasisira agad-agad? Alam naman nila na malakas ang current ng tubig pero ang itatayo ay hindi matatag?
Dahil ba sa sa komisyon kaya hindi buo ang pondong nagagamit sa mga ganitong proyekto kaya hindi nagtatagal at mahina ang pagkakagawa tapos gagastusan ulit ng gobyerno mula sa buwis ng mamamayan at panibagong komisyon na naman?
Magtataka ka rin, kung kailan maraming flood control projects na trilyong piso na ang ginastos mula noong 2016 ay saka lumalala ang baha kapag umuulan. Sa laki ng perang nagamit sa ganitong proyekto ay dapat wala nang baha, wala nang masisirang ari-arian, wala nang magbubuwis ng buhay pero kabaliktaran ang nangyayari.
Ang tanging nakikinabang lang dito ay ang mga kontraktor, mga tiwaling politiko at government officials na nangongomisyon sa bawat proyekto habang dusa naman ito sa lahat ng mga tao. Walang konsensya ang mga ito!
156 