SAGABAL SA KALSADA SA MAYNILA, PATULOY NA LILINISIN

PUNTO DE BISTA NI BAMBI PURISIMA

WOW, mainit na pagbati po sa mga opisyal ng Barangay 167 sa Tondo, Maynila na sila mismo ang nag-volunteer na ipagiba ang kanilang barangay hall, na tama naman, kasi obstruction o sagabal at nakaharang sa kalsada.

Mismong mga opisyal ng barangay ang tumawag sa city hall para ipasabi kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na gusto nilang gibain ang nakatayong barangay hall, na 15 taon nang nakatayo sa kahabaan ng Cavite St., Juan Luna.

Talagang sagabal, nakaaabala sa mabilis na kilos ng mga tao ang istrukturang nasa kalsada, at panganib ang dala nito sa tao, lalo na sa panahon ng emergency.

Kaya, siyempre, natuwa si Yorme Isko kay Barangay 167 Chairwoman Peony Edsel Acosta na siya mismo ang nagkusa na gibain ang barangay hall para sa kaligtasan ng publiko, at maibalik sa tao at motorista ang kalsada sa Tondo.

Sinusulat natin ito, malamang tapos na ang demolisyon, at si Yorme ay nanawagan sa iba pang opisyal ng barangay na tularan si Kapitana Acosta na nagkusang ipagiba at alisin ang mga sagabal, harang sa kalsada.

Sana ang ibang kapitan ng barangay ay magkusa at tumulong na maibalik ang maaliwalas na lungsod, kaya tanggapin sana ni chairwoman ang pagpuri at pasasalamat ng pitak na ito sa kanyang spirit of volunteerism.

Mga Kapitan, tumulong naman kayo at makinig sa pakiusap ni Yorme Isko, kasi para rin ito sa kabutihan ng lahat, lalo na ang inyong mga nasasakupan, at tumpak lamang naman na maibalik lang sa tao ang mga kalsada, at nang magamit nila para maging maayos ang lahat.

Nais lamang ni Yorme ay kaayusan, at maging disiplinado ang mga tao at maging inspirasyon ng kapwa sa pagsunod sa batas.

Aminado si Yorme Isko na hindi madaling maibalik sa tao ang mga kalsada at bangketang tinayuan ng mga kongkretong istruktura na tumagal na ng maraming taon.

Sa pagtaya ni Yorme Isko, 40 percent ng barangay hall ay itinayo sa kalsada at sidewalk at may mga basketball court na mismong kalsada na ang inokupahan.

“Mahaba-habang panahon ito,” sabi ni Yorme, at “Kung talagang panganib sa tao, at talagang obstruction, tayo po naman ay makikisuyo.”

Dahil naman sa pagkukusa ni Chairwoman Acosta na mai-demolish ang matandang barangay hall, tiniyak ni Yorme Isko na tutulong ang pamahalaang lungsod na maisaayos, mapaganda ang kanilang barangay.

Basta masunurin ka sa batas, si Yorme pa, siya mismo ang kikilos nang mabilis upang ang Barangay 167 ay maging isa sa pinakamagandang barangay, hindi lang sa Tondo, maging sa buong Maynila.

Pagkasabi niyon, agad na dumating ang tropa ni City Engineer Armand Andres, inayos ang mini garden, inalis ang nakasampay na mga kawad ng koryente, nakasabit na mga linya ng telcos at inayos ang mga dapat ayusin na panganib sa kaligtasan ng mga tao.

Buo ang pagtitiwala ni Yorme Isko, basta magkapit-bisig, nagkakaisa sa isip at damdamin ang taumbayan, kasama ang lahat ng opisyal ng barangay, pamahalaang lungsod, at kaagapay ang national government, magiging maganda, maaliwalas ang Maynila.

“Basta po nakatuon tayo sa iisang adhikain, kaya natin na maibigay sa tao ang totoong kapanatagan, kaayusan, maningning, maganda at maayos na Maynila,” sabi ni Yorme Isko.

***

Meron pa nga bang alternatibong solusyon ang gobyerno sa lumalalang suliranin ng Pilipinas dahil bihira na po sa mga Pinoy ang tunay na nagmamahal sa ating Inang Bayan?

Tingnan na lang po natin, dear readers, ang kalagayan ng ibang bansang katakut-takot ang dinanas na karahasan.

Tulad halimbawa ng mga bansang Vietnam, Japan, Indonesia, Malaysia at Thailand na inuna ang kapakanan ng kanilang mga kababayan at kani-kanilang bansa bago ang mga pansariling interes.

Mantakin n’yong matapos na bombahin ng atomic bomb ng mga Amerikano noong ika-2 digmaan ang dalawang siyudad sa Japan, ang Nagasaki at Hiroshima, ay hindi naging hadlang sa mga Hapones ang dagok o bangungot na nangyari sa kanila.

Dahil nangibabaw ang pagiging patriotic ng bawat isang Hapones ay sama-sama nilang pinagtulungang iangat muli ang kanilang bansa at ngayo’y numero unong tinitingalang industrialized country sa buong mundo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

154

Related posts

Leave a Comment