SONA NI PBBM HILAW?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MASUSUBUKAN ngayon kung gaano kasinsero ang kasalukuyang administrasyon sa pagsugpo ng korupsyon matapos ihayag ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Lunes, Hulyo 28, 2025.

Kung hindi pa nag-ingay si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez sa isyu ng matinding katiwalian sa ilalim ng BBM administration, ay hindi ito maisasama sa mga binanggit sa nakaraang SONA.

Bagama’t binanggit niya (BBM) ang katiwalian sa flood control projects dahil patuloy na nakararanas ng pagbaha ang iba’t ibang lugar sa bansa, ay hindi naman nito pinahapyawan ang pagsisingit ng bilyon-bilyong piso sa 2025 national budget.

May tatamaan sanang mga mambabatas, na sa tuwing binabanggit ni PBBM ang korupsyon ay nagpapalakpakan pa man din sila, hindi tuloy malaman ng taumbayan kung natutuwa sila sa kanilang ginawa o nag-alala sila na mabubuking na sila?

May mga naniniwala rin na ang ilang sa mga mambabatas ay sangkot sa bilyong pisong katiwalian sa flood control projects, dahil ilan sa kanila ay kongresista na, kontratista pa, at komisyuner pa? Sabi pa ni PBBM, mahiya naman kayo sa taumbayan, lalo na sa mga naapektuhan ng mga pagbaha.

Paano kaya kung ang nasa likod ng katiwalian sa flood control projects ay malapit sa kanya? Kaya niya kayang parusahan ito?

Hindi ito magagawa ng nasa likod ng katiwalian sa flood control projects kung wala itong matinding kapit sa Palasyo na pwede niyang sandalan.

Para paniwalaan siya (PBBM) ng publiko na talagang gusto niyang managot ang gumagawa ng mga katiwalian ngayon sa gobyerno ay madaliin nila ang imbestigasyon at bago siya bumaba sa pwesto ay tiyakin niyang maparurusahan ang mga ito.

Baka naman natapos na ang kanyang panunungkulan ay hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa mga katiwaliang ito?

Marami rin ang nakulangan sa sinabi ni PBBM sa kanyang SONA, lalo na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabuhayan at kawalan ng trabaho na labis na nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.

Wala ring konkretong binanggit si PBBM na nagawa niya sa nakalipas na mga taon ng kanyang panunungkulan na masasabing pwede niyang maipagmalaki. Sabi tuloy ng iba, hilaw ang mga sinabi niya sa kanyang SONA.

Tignan natin kung ano ang magagawa ng kasalukuyang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil magsusumite raw ito ng listahan ng flood control projects.

Rerebyuhin daw ng Regional Committee ang listahan ng mga proyektong isusumite ng DPWH at kapag napatunayan na ang mga ito ay palpak, hindi natapos at ghost projects lamang, ay isasapubliko ito. Babantayan natin ‘yan.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

190

Related posts

Leave a Comment