DPA ni Bernard taguinod
MARAMI ang nagtatawanan noong tumayo ang karamihan sa mga congressman at magpalakpakan nang sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na rerebyuhin ang flood control projects at pananagutin ang mga sangkot sa pagnanakaw sa pondo ng proyektong ito.
Hindi na kasi nahiya ang mga congressman na siyang may kontrol sa flood control projects sa kanilang mga distrito at may say kung sino ang itatalagang district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa kanilang distrito.
Sa mga probinsya, ipinagmamalaki ng mga congressman na proyekto nila ang ipinatutupad na flood control projects at kapag mag-imbestiga ka kung sino ang kontraktor ay malalaman mo na malapit na kamag-anak o kaibigan niya.
Open secret sa Kamara na marami sa mga congressman ay mga kontraktor bago sila pumasok sa pulitika at kunwari magre-resign sa construction company niya pero ipapasa naman sa anak, asawa, kapatid o trusted ally.
Sa papel lang nag-resign sa construction company si Congressman dahil siya pa rin ang nagpapatakbo sa kanyang kumpanya kaya riyan pa lamang ay nagkakalokohan na dahil masyadong maluwag ang batas sa mga tulad nila.
May isa nga riyan na naging tambay sa isang ahensya ng gobyerno para maningil sa proyektong natapos ng kumpanya ng kanyang anak eh, at dahil isa siyang congressman, ang bilis niyang mabayaran.
‘Yung iba namang congressman at kahit sa Senado, may alagang contractor na siya niyang inirerekomendang panalunin sa bidding sa malalaking mga proyekto at dahil sila ang nag-appoint sa district engineer, papalagan ba siya?
Pero hindi naman daw dehado ang district engineers na kasabwat dahil namamantikaan daw siya ni Congressman kaya kung mag-iimbestiga lang ang gobyerno, malalaman nila kung gaano sila kayaman. Nililinaw ko lang, hindi lahat ng district engineers, pero karamihan.
Alam ng mga tao na ang mga congressman at mga senador, hindi rin lahat, ang pinatamaan ni BBM noong sabihin niyang “Mahiya naman kayo!” Pero nagawa pa nilang pumalakpak at maghiyawan ha! HINDI NA SILA NAHIYA.
Parang ‘yung isang kuwento roon sa isang crime scene na bumalik ang suspek para makiusosyo habang nag-iimbestiga ang mga pulis para palabasin marahil na hindi siya ang pumatay kundi usisero lang.
Pero sana hindi lang hanggang banta si BBM at totohanin niyang kasuhan at parusahan ang mga nagnanakaw sa pondo ng bayan, hindi lang ang pondo ng flood control projects kundi lahat ng mga proyekto ng gobyerno na kinukupitan at ninanakawan din.
Kung walang maipakukulong si BBM na kontraktor, mambabatas, DPWH officials, hindi titigil ang mga ‘yan na nakawin ang pondo ng bayan dahil wala nang natirang hiya sa kanilang katawan na ang karangyaang tinatamasa ng kanilang pamilya ay mula sa nakaw. Wala pa namang kabusugan ang mga iyan.
177 