PAMPANGA – Isang American national na pastor ang inaresto sa umano’y child abuse na inihain sa kanya kasunod ng pagkakaligtas sa 160 menor de edad nitong Huwebes ng hapon sa Pandacaqui sa bayan Mexico sa lalawigan.
Kinilala ni PLt. Col. Pear Joy Gollayan, hepe ng Mexico Police Station, ang inarestong pastor na si Jeremy Ferguson, American national, 48, may asawa, Founder ng New Life Baptist Church na nakabase sa nasabing lugar.
Sa paunang imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng hapon, nagsagawa ng operasyon ang Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Mexico Police, kasama ang Regional Social Welfare and Development Office (RSWDO) Region 3, para magpatupad ng Cease and Desist Order para sa New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga, Inc.
Dito ay nadiskubre sa loob ang 160 menor de edad na dinala sa RSWDO Field Office at sumailalim sa counseling.
Ayon kay Gollayan, matapos sumailalim sa interview ang mga bata, dito napag-alaman na sila umano ay dumanas ng pagmamalupit mula sa dayuhan.
Ibinunyag pa nila na paulit-ulit silang pinagkaitan ng pagkain, at ikinulong sila sa kanilang silid.
Dahil dito, agad inaresto ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 7610 (Child Abuse).
Napag-alaman, base sa mga saksi na kalapit-residente ng New Life Baptist Church, ito ay maihahalintulad sa isang bahay-ampunan ng abandoned children.
Ayon kay Gollayan, ang mga biktima ay nasa kustodiya na ng RSWDO Reception Study Center for Children sa Barangay Prado Siongco, Lubao, Pampanga.
(ELOISA SILVERIO)
180 