MGA NASA LIKOD NG PAG-IBIG INVESTMENT DAPAT SUSPENDIHIN MUNA NG DHSUD

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KINONTRA ng pamunuan ng Pag-IBIG ang ating isinulat ukol sa investment na ginawa nito sa isang construction firm na ating napag-alamang ang EEI pala.

Ang EEI o Engineering Equipment, Inc. ay isa sa pinakamatandang construction company sa bansa na itinatag noon pang 1931.

Sabit sa kontrobersiya ngayon ang naturang kumpanya dahil nag-invest nga sa kanila ng anim na bilyong piso ang pamunuan ng Pag-IBIG, na hindi dumaan sa approval ng Board of Directors.

Ayon sa ating impormante, ito raw ang breakdown sa investment na ginawa ng Pag-IBIG sa EEI, P5 bilyon mula sa pera ng mga miyembro at P1 bilyon mula naman sa Home Mutual Development Fund (HDMF) Employees Provident Savings o ‘yung pera ng mga empleyado.

At dahil hindi nga dumaan sa tamang proseso ang investment, nagsagawa ng internal investigation si Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Ramon Aliling at ito ang kanyang nalaman, bukod sa hindi pagdaan sa Board of Directors, hindi rin ito naaprubahan ng Pag-IBIG Investment Board, hindi rin ito dumaan sa Pag-IBIG Risk Management Board at sa Pag-IBIG union dahil nga sa P1 bilyon na nanggaling sa pondo ng mga empleyado.

At katulad ng ating naisulat na, nagretiro na ang isa sa mga arkitekto na binansagan nating “Commissioner”, nito lang Agosto, at si “Manang” naman na siya talagang nag-apruba ng investment, ay magreretiro raw sa darating na Disyembre.

Dapat maglabas na muna ng preventive suspension order si DHSUD Sec. Aliling sa mga may kinalaman dito at kasuhan kung mapatutunayang mayroong korupsyon o kapabayaan sa mga nasa likod nito.

268

Related posts

Leave a Comment