(Huling bahagi)
Sa paglalayong magpakita pa rin ng pagmamalasakit sa kalagayan ng mga nanay na Filipino, may ilan pa ring naiisip na kaparaanan.
Ang isa rito ay ang bagong hain na panukalang batas sa Kongreso, ang House Bill 8875, or “Housewives Compensation Act,” na nagnanais na magbigay ng P2,000 na ayuda kada buwan para sa mga ina ng tahanan na nabubuhay sa baba ng poverty line.
Sa partikular, nais ng batas na bigyang sahod ang mga misis lalo na ‘yung mga walang ibang hanapbuhay, at nakatuon lamang ang buhay sa paggampan ng mga tungkulin at gawain sa loob ng tahanan.
Medyo radikal ang panukalang ito at malamang maraming iba-ibang reaksiyon ang aanihin nito pag tuluyang naipasa. Binabago ng panukalang batas na ito ang depinisyon ng lipunan ng mga trabahong may halaga.
Ang mga gampanin ng mga nanay sa loob ng bahay ay tinatawag na “gawaing reproduktibo” na madalas ay walang katumbas na kabayaran. Walang gaanong halaga ito kasi sinasabing walang direktang epekto ito sa pagsulong ng ekonomiya ng lipunan.
Ang binabayaran at pinapahalagahan lang ng lipunan na trabaho ay yaong mga tinatawag na “gawaing produktibo” na madalas ginagawa sa iba’t ibang larangan ng produksiyon—sa bukid, pagawaan, pabrika, mga opisina, at iba pa. Ang mga gumagampan naman nito ay kadalasang mga lalaki. Ang mga gawaing ito ay itinuturing na may direktang kontribusyon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng lipunan.
Sa tinagal-tagal ng panahon, hanggang ngayon ay wala pa ring pagpapahalaga sa mga “gawaing reproduktibo” na ginagampanan ng mga babae lalo na yaong mga nasa tahanan.
Hindi gaanong nakikita ang halaga ng pag-aaruga at pagkalinga lalo na para sa kagalingang pisikal, sikolohikal, o emosyonal ng mga miyembro ng tahanan na madalas ay bunga ng mga pagsisikap ng ina ng tahanan. Wala naman daw kasing direktang kontribusyon ang mga ito sa pagpapalago ng ekonomiya.
Ngunit ang pagdating ng nasabing panukalang batas ay direktang paghamon sa matagal ng kaisipan na nakalahad dito. Marahil, nagising na ang ilan sa atin dahil na rin sa mga pag-aaral na nagpapakita ng mahalagang koneksiyon ng “reproduktibong gawain” sa ikatatagumpay ng “produktibong gawain,” na ang nauna ay hindi mas mababa kaysa sa pangalawa. Bagkus, ang dalawang ito ay may “complementary” na ugnayan.
Ang tanong na lang ay kung may sasapat na mga bukas na isip sa mga mambabatas natin ngayon para matagumpay na maisulong ang panukalang ito. Saka na natin pag-usapan kung makatarungan ang nakahain na halaga. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
