PINA-IINHIBIT ng grupo ng minorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga kongresista na sangkot sa construction business bago naging mambabatas o kaya ang kanilang pamilya o malapit na kaanak.
Sa pagsisimula ng Tri-Infra committee na binubuo ng House committee on public accounts, public works at good government and public accountability, sinabi ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na nakasaad ito sa Rule 9 Section 33 ng Rules of the House at maging sa Section 9 internal Rules of Committee of Public Accounts na hindi pwedeng sumali sa deliberasyon o bumoto sa mga bagay na makaaapekto sa kanilang business interest.
Ilang linggo na aniya ang nakararaan nang sabihin ni Sen. Panfilo Lacson na may 67 Congressmen ang may construction business at nai-award ang mga proyektong tinukuran ng mga ito sa Kongreso sa kanilang kumpanya.
“I therefore move, Mr. Chair, that, before we proceed any further with this joint hearing, all the members of the committees on public accounts, public works and highways, and good government and public accountability make a full disclosure of their financial, business or pecuniary interest that may be directly or indirectly affected by any investigation into the government’s past or present flood control projects. So move, Mr Chair,” ani Diokno.
Sinegundahan ito ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima dahil hindi aniya haka-haka na may mga mambabatas na konektado o kaya kanilang kaanak sa construction company na nangongontrata sa mga proyekto ng gobyerno.
“Nemo judex in causa sua. No one should be a judge in their case. Hindi po ito haka-haka. Ito ang realidad sa ating lipunan. Conflict of interest happens the moment those who may be implicated are given the power to decide how far, or how shallow, an investigation should go,” ani De Lima.
Sinuportahan naman ito ni Las Piñas City Rep. Mark Anthony Santos kaya tulad ni De Lima ay sinegundahan nito ang mosyon ni Diokno, gayundin si Caloocan City Rep. Edgar Erice.
Dahil kailangan ng oras para alamin kung sino-sinong congressmen ang sangkot sa construction business, tinangka ni Erice na ipa-adjourn ang pagdinig kaya nagpatawag si Ridon ng break at pagbalik ay inaprubahan ang mosyon ni Diokno at inatras ng Caloocan solon ang kanyang hiwalay na mosyon.
(BERNARD TAGUINOD)
143 