NAWAWALA na ang 26 luxury cars ng pamilya Discaya nang pasukin ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang bahay sa Pasig City para isilbi ang search warrant.
Ayon kay BOC Chief of Staff Atty. Jek Casipit, sa kabila ng valid na warrant, hindi pinayagan ng security ni Sarah Discaya na makapasok ang mga ahente ng BOC.
Kasabay nito, tiniyak ng BOC na mahigpit nilang minamatyagan at sinusuportahan ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta, kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects na nagbunsod upang mabunyag ang isyu ng mahigit 28 luxury vehicles ng pamilya Discaya.
Ayon sa BOC, anomang iregularidad sa importation ng mga mamahaling sasakyan—tulad ng misdeclaration o hindi pagbabayad ng tamang buwis at duties—ay tiyak na haharap sa enforcement actions ng ahensya sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“While we cannot disclose details of ongoing investigations, the BOC assures the public that it remains firm in enforcing the law with fairness, transparency, and due process,” pahayag ng ahensya.
Dagdag pa rito, sinabi ng BOC na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mananatili silang nakatutok sa paglaban sa smuggling at sa tamang koleksyon ng buwis at duties para maprotektahan ang kita ng pamahalaan.
Nabatid na nitong Lunes ay nagsilbi ng search warrant ang BOC sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City, isa sa mga kumpanyang pag-aari ng mag-asawang kontraktor ng gobyerno na sina Sarah at Curlee Discaya. Pinaniniwalaang doon nakatago ang ilan sa mga tinutukoy na luxury vehicles.
Kabilang ang kompanya ng mga Discaya sa 15 contractors na tinukoy mismo ni Pangulong Marcos na nakakuha ng malalaking flood control projects mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa datos, umabot sa P31.5 bilyon ang halaga ng flood control projects na nakopo ng pamilya Discaya. Sa isang vlog, ipinagmalaki pa ng mag-asawa na nagmamay-ari sila ng 40 luxury vehicles. Gayunman, sa pagharap ni Sarah Discaya sa Senate probe, 28 na lamang umano ang natitira sa kanilang mga sasakyan.
Babala ng BOC
“The Bureau of Customs takes the issue of the missing luxury cars of Discaya with utmost seriousness. We will ensure that these vehicles are located without delay, and if discrepancies are uncovered, all taxes and duties will be collected in full. Let it be clear: those hiding or abetting the concealment of these cars will be punished to the fullest extent of the law,” giit ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Dagdag pa niya, mananatiling determinado ang ahensya na protektahan ang kita ng pamahalaan, pairalin ang pananagutan, at panatilihin ang tiwala ng sambayanang Pilipino.
(JOCELYN DOMENDEN/JESSE KABEL RUIZ)
112 