NAKAHANDA ang pamilya Discaya na harapin ang lahat ng imbestigasyon na isinasagawa ngayon kaugnay sa mga kontrobersya sa flood control projects.
Sa pulong balitaan, tiniyak ni Atty. Cornelio Samaniego lll, tagapagsalita ng pamilya Discaya, buo ang kanilang kooperasyon lalo pa’t walang itinatago ang kanyang kliyente.
Ayon pa kay Atty. Samaniego lll, patunay rito ang pagdalo ng kanyang kliyente sa mga pagdinig ng Senado maging ang pagprisinta sa luxury vehicles na hinahanap ng Bureau of Customs.
Nakalulungkot lang umano na sa labing limang mga kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Bongbong Marcos, bukod tanging pinupuntirya ang pamilya Discaya.
Bugbog na bugbog na aniya ang kanyang kliyente lalo na sa social media.
Ito na rin umano ang dahilan kaya magsasalita na sila upang maibigay ang kanilang panig sa usapin.
Makikipagtulungan din aniya sila sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinasagawa nilang pagsisiyasat.
Pero paglilinaw ng abogado, mayroon silang tax clearance hanggang January 2025 na patunay na maayos magbayad ng buwis ang pamilya Discaya.
(PAOLO SANTOS)
177 