IPAGKAKALOOB ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang subpoena power sa independent commission na tatayo upang imbestigahan ang anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nais ng Pangulo na magkaroon ng sapat na kapangyarihan ang komisyon upang magampanan
ang mandato nito. Aniya, isinasapinal na ang executive order para sa pagbuo ng naturang komisyon.
Ipinahayag din ni Castro na may posibilidad na makalabas ng bansa ang ilang indibidwal na iniuugnay sa ghost flood control projects dahil wala pang kasong naisampa laban sa kanila. Bilang tugon, kumilos na si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa pamamagitan ng kahilingan para sa immigration lookout bulletin order laban sa mga kontratista at opisyal na sangkot sa anomalya.
Inutusan din ni Dizon ang permanenteng pagbabawal sa Wawao Builders at SYMS Construction Trading matapos matuklasang sangkot sa mga pekeng proyekto sa Bulacan. Ipinag-utos rin niya ang agarang pagpapatalsik at pagsasampa ng kasong kriminal laban kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara dahil sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects.
(CHRISTIAN DALE)
178 