INAKUSAHAN ng ilang mambabatas na nagsasagawa ng damage control ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos mabuko ang malawakang katiwalian sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Ginawa nina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Renee Co ang pahayag matapos ipag-utos ni Marcos ang pagrepaso sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Nagsasagawa ng damage control ang Palasyo para sa palpak at kurap na NEP na kanilang isinumite sa Kongreso. Kuwari ay rerepasuhin ang kurap na DPWH budget,” ani Tinio na isa sa deputy minority leader ng Kamara.
Una rito, sinabi ni Antipolo Rep. Ronaldo Puno na umaabot sa P100 billion sa P250 billion na inilaan ng DPWH para sa infrastructure project ay inilagay sa mga lugar na hindi bahain bukod sa may mga proyekto ang paulit-ulit na pinopondohan kahit tapos na ang mga ito at iba pang katiwalian sa NEP.
Dahil dito, inatasan ni Marcos sina DPWH Secretary Vince Dizon at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na rebyuhin ang NEP ng kontrobersyal na ahensya ng gobyerno subalit duda si Co na may mangyayari dito.
“Kahit ibalik ang NEP sa DBM at DPWH ay hindi pa rin mapapawi ang kurapsyon dahil built-in na ito sa sistema. The only issue now it seems is the division of the spoils between the Executive and the Legislative branches,” ani Co.
Sa halip ay nangangamba si Tinio na posibleng lumala pa ang sitwasyon dahil maaaring ipasok ng mga mambabatas ang kanilang pet projects kapag maraming errata sa budget ng DPWH.
Kung talagang nais anila ni Marcos na maresolba ang katiwalian sa flood control projects dapat munang panagutan nito ang anila’y “Corrupt NEP” at suspendihin ang lahat ng proyektong ito habang hindi pa tapos ang imbestigasyon at siguraduhin may mapanagot na opisyales ng gobyerno at contractors.
Bukod dito, kailangang buwagin anila ang pork barrel at pagsasabwatan ng Executive at Legislative sa alokasyon ng mga proyektong imprastraktura at ipagbawal din ang mga kontraktor na may koneksyon sa mga mambabatas at iba pang opisyales ng gobyerno sa pagsali sa bidding ng government projects.
(BERNARD TAGUINOD)
101 