CAVITE – Naka-hospital arrest ang isang 29-anyos na Army Reservist makaraang naputukan sa mukha habang nililinis ang kanyang baril sa kanilang kuwarto sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas si Joseph Gatmaitan y Mauricio, ng Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City dahil sa sugat sa kanyang mukha.
Si Gatmaitan ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay “Christine”, 22, girlfriend ni Gatmaitan, nililinis ng biktima ang kanyang baril sa kuwarto ng kanilang bahay sa Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, nang makarinig siya ng putok bandang ala-11:00 ng gabi.
Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng boyfriend at nakita niyang duguan ang mukha nito kaya humingi siya ng tulong sa barangay officials upang isugod ito sa ospital.
Kinumpiska ng nagrespondeng barangay official ang baril ni Gatmaitan na isang kalibre 9mm na may serial number na RIA2018239, na may limang bala.
Inaalam pa ng pulisya kung kanino nakapangalan at kung lisensyado ang nasabing baril.
(SIGFRED ADSUARA)
176 