LAGUNA – Sugatan ang isang bata matapos na mahagip ng kidlat habang naliligo sa isang ilog sa bayan ng Nagcarlan sa lalawigan noong Linggo.
Kinilala ang biktimang si Jake Saloma, residente ng Barangay Santa Lucia.
Ayon sa isang nakasaksi, masama ang panahon sa lugar nang gumuhit ang matalim na kidlat na tumama sa malaking puno kung saan nasa ilalim nito ang mga batang naliligo bandang alas-2:45 ng hapon.
Napag-alaman na ang biktima ay naglalambitin sa lubid na nakatali sa puno na tinamaan ng kidlat.
Gumapang ang boltahe ng kidlat patungo sa bata na walang malay na bumagsak sa ilog.
Nagtulungan ang mga nakasaksi na iahon ang biktima mula sa tubig at agad dinala sa ospital.
Inoobserbahan ang kalagayan ng biktima sa mga sugat at paso nito sa katawan.
(NILOU DEL CARMEN)
127 