NEGOSYANTE, 2 QUARRY OPERATORS NILIKIDA

BACOLOD CITY – Isang negosyante ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang gunman nitong Martes ng umaga habang naghahanda na buksan ang kanyang negosyong hardware store sa lungsod.

Ayon sa inisyal na report, bandang alas-7:50 nitong Martes ng umaga ay binaril at napatay ang negosyanteng si Romy Yu Li, 52-anyos, may-ari ng Emerald Republic Hardware Inc. at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Taculing ng nabangit na siyudad.

Dinikitan umano ng hindi pa nakikilalang salarin ang biktima sa harapan ng kanyang hardware store sa Barangay 12, Bacolod City at pinagbabaril ito.

Nagawa pang maitakbo sa Riverside Hospital ang biktima sakay ng ambulansya ng Bureau of fire Protection, subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician sanhi ng tama ng punglo sa ulo.

Target ngayon ng manhunt operation ang gunman at dalawang kasama nitong na agad makatakas sakay ng isang sports utility vehicle.

Samantala, nagbuo naman ng Special Investigation Team (SIT) ang Bohol PNP para kilalanin ang mga pumaslang sa magkapatid na negosyante nitong nakalipas na linggo sa Barangay Tanghaligue, sa bayan ng Talibon, sa Bohol.

Kapwa quarry operators ang magkapatid na biktima na kinilalang sina Gerry Louis Tan Dulang, 36, at Gerry Lou Tan Dulang, 42, kapwa residente ng Barangay Tanghaligue at mga may-ari ng GL Talibon Sand, na sangkot sa quarry operation sa area.

Ayon sa Talibon Police Station, nasa loob ng kanilang bahay ang magkapatid na Dulang nang sumalakay ang ilang armadong kalalakihan na nakasuot ng dark clothing, caps, at camouflage-type attire, at doon sila niratrat ng mga salarin.

Dead on the spot si Gerry Lou, habang idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Gerry Louis.

Ang magkapatid ay anak ng dating Talibon councilor na nilikida rin ng hindi nakikilalang mga suspek noong Marso 2013.

(JESSE RUIZ)

190

Related posts

Leave a Comment