HINDI ligtas kahit ang sariling pinsan-in-law ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si House Speaker Martin Romualdez, at mga kaalyado nito gaya ni dating House Appropriations Chair Zaldy Co, sa gagawing imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon sa Pangulo, malinaw ang mandato ng komisyon: “Walang sasantuhin.”
“Well, there’s only one way to do it… they will not be spared. Wala tayong kinikilingan, wala tayong tinutulungan,” giit ni Marcos Jr. sa presscon sa Kalayaan Hall nitong Setyembre 15.
Naiulat na sinisisi ni Navotas Rep. Toby Tiangco sina Romualdez at Co sa bilyon-bilyong pisong “insertions” o dagdag-pondo para sa infrastructure projects na lumabas na substandard o ghost projects.
Tiniyak ng Pangulo na “completely independent” ang ICI at hindi ito gagaya sa Senado o Kamara na madalas binabatikos dahil sila-sila rin ang nag-iimbestiga sa sarili nilang hanay.
“Ito ang kaibahan ng ICI—wala silang ties sa gobyerno. Kaya nilang maglabas ng patas na findings,” dagdag pa ng Pangulo.
Kung titingnan daw ang komposisyon ng ICI, wala itong miyembro mula sa gobyerno maliban kay Mayor Benjie Magalong, na nagsisilbi lang bilang adviser.
Giit pa ni Marcos Jr., hindi dapat pulitikin ang imbestigasyon. “Simple lang ito: magkano ang ninakaw na pera ng mga balasubas na ito?”
Ayon sa Pangulo, tunguhin ng ICI na gawing “turning point” ang imbestigasyon para baguhin ang estilo ng pamamahala sa Pilipinas.
(CHRISTIAN DALE)
127
