KONSENTRASYON SA FC PROJECT ANOMALIES INVESTIGATION NAG-IIBA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKIKINITA ko na malilihis na naman at mas mababang tao ang madidiin bandang huli sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Mismong nanggaling sa bibig ni Pangulong Bongbong Marcos na paano kung “nag-name drop” lang daw ng mga pangalan ang nagdadawit sa maanomalyang flood control project.

Isa-isahin po natin kung saan nagsimula ang pagkakabulgar sa maanomalyang flood control projects.

Dati nang hinahanap ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez kung saan napunta ang flood control projects na ipinagmalaki ng administrasyon ni PBBM, dahil sa mga pagbaha na nararanasan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ipinagmalaki kasi ni Marcos na ang kanyang administrasyon ay may 5,500 flood control projects na pinondohan ng bilyun-bilyong piso.

Ang pagmamalaking ito sa pinakahuling State of Nation Address (SONA) ni PBBM ay napalitan ng pagsasabing “MAHIYA NAMAN KAYO!”

Pinatutungkulan niya ang mga nasa likod ng mga katiwalian sa flood control projects, paano naman daw ang mga nasa harap?

Hindi naman mangyayari ang katiwalian sa flood control projects kung hindi lalagyan ito ng pondo. Sino ba ang nagsingit ng mga pondo para maisakatuparan ang mga proyektong ito?

Mga mambabatas ang gumagawa ng panukalang batas para sa budget ng gobyerno at sa huli ay pinipirmahan ng presidente ng bansa.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakakontrobersyal ay ang 2025 National Budget na umabot pa ang pagkuwestiyon hanggang Korte Suprema.

Ang 2025 National Budget ay hitik sa mga isiningit na halaga para sa sinasabing mga unprogram na mga proyekto ng gobyerno.

Bakit naging batas ito? ‘Di ba hindi magiging batas ‘yan kung hindi pinirmahan ni PBBM?

Ngayon dahil ibinulgar ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya at itinuturo nila sina Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga kongresista na dawit sa flood control project anomalies, ay tila hindi kumbinsido ang presidente sa pinagsasabi ng mag-asawa.

Sa kanila raw kasing mga politiko ay maraming nagpapa-picture na posibleng i-name drop o gamitin ang kanilang pangalan sa katiwalian.

Sa pananalita na ‘yan ni PBBM ay tila nagpapahiwatig na hindi siya kumbinsido na nagsasabi ng totoo ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa kanilang pagbanggit ng pangalan ng mga kongresista na nasasangkot sa katiwalian sa flood control projects.

Kung ganyan ang maririnig ng taumbayan sa pahayag ni PBBM, sino pa ang magtitiwala sa kanya?

Unti-unti nang nauulit ang nangyaring kontrobersiya na kinasangkutan ni Janet Napoles na ang nagdurusa hanggang ngayon ay siya lang, samantalang ang mga mambabatas na nadawit ay nakalaya na at ang iba ay nakabalik pa sa pwesto.

Tignan na lang natin kung anong mangyayari dahil may isasagawang malakihang rali sa Setyembre 21, 2025 sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ang kanilang isasagawang malakihang rali ay bilang pagkondena sa maanomalyang flood control projects.

Marami na ang dismayado sa nangyayaring malalang katiwalian sa pondo ng gobyerno.

Ipinangangalandakan pa ng mga nasasangkot sa katiwalian ang kanilang mga kayamanang napundar habang nagpapasasa sila sa pera ng taumbayan.

Iba na ang mga korap ngayon, ipinagyayabang pa nila ang kanilang mga kayamanan. Ang kakapal!

oOo

Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45gmail.com.

51

Related posts

Leave a Comment