MADALI umanong mabawi ang yaman ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga taga-Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa flood control projects, kapag hindi nila mapatunayan na legal ang pinagmulan ng kanilang karangyaan.
Ito ang pahayag ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno sa gitna ng mainit na imbestigasyon sa flood control scam na kinasasangkutan ng ilang DPWH officials.
Paliwanag ni Diokno, may kapangyarihan ang Office of the Solicitor General na magsampa ng civil case for forfeiture sa ilalim ng Republic Act 1379 kung saan may presumption na nakaw ang yaman kapag hindi ito maipaliwanag.
“Kailangang patunayan ng opisyal na malinis at legal ang pinagmulan ng yaman niya. Kung hindi niya ma-explain ang mansion, mamahaling kotse o milyon-milyong pera, iuutos ng korte na ibalik ‘yan sa kaban ng bayan,” giit ng mambabatas.
Dagdag pa niya, hindi kailangan ng proof beyond reasonable doubt sa forfeiture case, kundi mas matimbang lang ang ebidensya laban sa opisyal.
Ibinulgar din ni Diokno na mas madali nang makita ang ebidensya laban sa mga tiwaling opisyal ngayon dahil sa social media.
“Mag-scroll lang kayo sa TikTok, para na kayong may hawak na ebidensya,” aniya.
Kahit walang binanggit na pangalan, ipinakita na sa social media ang marangyang pamumuhay ng tinaguriang BGC o Bulacan Group of Contractor Boys — may mga luxury cars, mamahaling relo, designer bags, at naglalakihang bahay.
Sa kabila nito, nasa P70,000 hanggang P100,000 lamang ang buwanang sahod ng mga opisyal. Isa sa grupo, si dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, ay napaulat nang nagsauli ng dalawang mamahaling SUV.
Giit ni Diokno, bukod sa kulong, kailangang bawiin ang lahat ng nakaw na yaman ng mga sangkot sa flood control scam.
(BERNARD TAGUINOD)
164 