NAKAKITA na ng ghost farm-to-market road (FMR) projects ang Department of Agriculture (DA) sa Davao Occidental at Zamboanga del Norte.
Kinumpirma mismo ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa ambush interview sa Kamara kahapon ang naturang anomaly.
“Sa FMR, ang inisyal na report sa akin, may nakita kaming ghost, in Davao Occidental,” pahayag ni Laurel, na tumutukoy sa mga proyektong ipinatupad noong 2021 at 2022.
Bukod dito, sa Zamboanga del Norte naman, ghost project din umano dahil “may opening pero walang semento.”
Magugunitang inatasan ng House committee on appropriations ang DA na silipin kung meron ding ghost FMR projects—tulad ng mga pinasusuri ngayong “guni-guning flood control projects.”
Dahil dito, pinakilos ni Laurel ang kanyang mga tauhan para inspeksyunin ang FMRs sa buong bansa. Sa ngayon, Davao Occidental at Zamboanga del Norte pa lang ang kumpirmadong may ghost roads.
Katulad ng flood control, ang DPWH pa rin ang nag-iimplementa ng FMR para sa DA dahil wala raw kapasidad ang ahensya na magpatupad nito.
Pero dahil sa mga anomalya, iminungkahi ng ilang kongresista na DA na lang ang mag-implementa ng FMR. Tumanggi si Laurel, kaya pinag-aaralan ngayon ng Kongreso na baka ipaubaya na lang sa LGUs ang pagpapatupad ng proyekto.
(BERNARD TAGUINOD)
181 