MISTULANG hindi kuntento si Dasmariñas City Rep. Francis “Kiko” Barzaga sa privilege speech ni Sen. Francis “Chiz” Escudero dahil tanging si dating House Speaker Martin Romualdez ang tinukoy nito sa flood control projects.
Sa kanyang social media post, iginiit ni Barzaga na kasama rin si presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos sa umano’y “mastermind” ng flood control scam.
“Chiz Escudero got one thing wrong, Martin Romualdez is not the only mastermind behind flood control, there is also Sandro Marcos,” ani Barzaga.
Kilala si Barzaga, na tinaguriang “Congressmeow” sa Kamara, bilang matinding kritiko ni Romualdez. Una na rin nitong hiniling na imbestigahan ang dating Speaker dahil siya ang nag-preside nang aprubahan ang 2025 General Appropriations Act (GAA) na tinawag ng ilang mambabatas na “pinaka-corrupt na budget” dahil sa bilyun-bilyong insertions.
Ngunit kapansin-pansin, walang inilatag na ebidensya si Barzaga laban kay Sandro. Wala rin namang naging tugon sina Romualdez at Marcos sa naturang pasabog.
Samantala, binalewala ni Romualdez ang privilege speech ni Escudero at tinawag itong “DDS script” at hindi tunay na exposé.
“It was a performance designed to profess loyalty and service to Vice President Sara Duterte, and to position himself as her ally for 2028. Ang tunay na pinagsisilbihan ay hindi ang katotohanan, kundi sariling interes at plano sa pulitika,” ani Romualdez.
Dagdag pa nito, imbes na harapin ang akusasyon ng pangongomisyon sa proyekto, naghanap lang umano ng ibang masisisi si Escudero.
“For my part, I will continue to cooperate with every impartial investigation. My record can withstand scrutiny. Wala akong itinatago. As for Sen. Escudero, kung tunay na pananagutan ang hanap, sa presinto na siya magpaliwanag,” giit ng dating Speaker.
(BERNARD TAGUINOD)
282 