PROBLEMA NG MGA OFW PATONG-PATONG

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HINDI pa man tuluyang natatapos at lubos na napipigilan ang pagdagsa pa ng lumalaking problema sa mga inaabandonang balikbayan box, marami pa rin sa mga kababayan natin ang pinababayaan ng kanilang agency.

Ilang kababayan na po natin ang pumanaw sa ibang bansa at tumulong tayo sa pagpapauwi ng kanilang labi.

Ito ay sa kadahilanang pinabayaan na ang mga ito ng ahensyang nagpadala sa kanila sa Gitnang Silangan.

Karamihan po sa mga ito ay namasukang katulong at laborer. Namatay sa oras ng trabaho pero hindi na ma-contact ang kanilang ahensya na dapat sana ay nag-aasikaso ng pag-uwi ng kanilang labi sa kanilang pamilya rito sa Pilipinas.

Hindi na ito bago. Ilang ahensya na ang nairekomenda natin sa OWWA na maimbestigahan at maipasara dahil sa ginawa nilang pag-iwan sa mga kawawang OFW.

Hindi naman nagkulang ang OWWA (at ngayon sa tulong na rin ng Department of Migrant Workers-DMW) na tulungan ang mga OFW na nasadlak sa ‘di kanais-nais na pangyayari sa ibang bansa.

Pero nais nating imungkahi sa mga kagawaran ng ating gobyerno na nakasasakop sa mga OFW, na higpitan ang kanilang alituntunin sa mga agency upang maiwasan ang kanilang pag-abandona sa mga OFW. Responsibilidad ng mga agency na tugunan ang pangangailangan ng kanilang pinaalis na kababayan at tiyakin na ito ay nasa mabuting kalagayan.

Dumagdag nga itong problema sa balikbayan boxes ng mga OFW na dapat ay magkaroon ng special task force na binubuo ng DMW, Bureau of Customs at DDCAP.

205

Related posts

Leave a Comment