CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MALAMANG matabang na ngiti ang sukli ng iba diyan sa inihaing panukala ng tatlong mambabatas na naglalayong amyendahan ang RA 10963 o ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Plano kasing isama ang mas mataas na tax sa matamis na inumin para mabawasan daw ang paglaganap ng obesity at kaugnay na mga hindi nakahahawang sakit.
Napansin ang tumatabang katawan, paano naman ang mga bulsang nananaba rin sa kurakot?
Sakaling maipasa, P20 kada litro ang kokolektahin sa matamis na inumin sa halip na P6. Habang ang matamis na inumin na gumagamit ng purong high fructose na corn syrup ay bubuwisan ng
P40 imbes na dating P12.
Ang laki ng itataas ng buwis. Dagdag presyo ng inumin ang epekto nito. Natural.
Sa kasagsagan ba naman ng paghihimagsik ng mga tao sa malaganap na korupsyon sa pamahalaan ay isa agad ang tinutumbok na persepsyon ng mga tao – dagdag tax hindi para mabawasan ang labis na matataba kundi para tumaba ang bulsa ng maiinit sa pera.
Tila matik na kapag tax ang pinag-uusapan ay kurakutan at ayuda ang maiisip ng karamihan diyan.
Teka, kahit pamahal nang pamahal ang presyo ng alak at sigarilyo dahil sa tax ay hindi pa rin maawat ang iba sa laklakan at yupyupan.
Kaya, hindi madidismaya ang hindi maitatawid ang isang araw na hindi nakaiinom ng matamis sakaling tumaas ang presyo ng peyborit nilang cola.
Hindi umubra sa iba ang epekto ng sin tax. Sa sweet tax kaya?
Sabagay, ayon sa DOH, dahil sa Sin Tax Reform Act of 2012 ay nabawasan ang bilang ng mga naninigarilyong Pilipino mula 31 porsyento ng populasyon noong 2018 pababa sa 20 porsyento noong 2019.
Noon ‘to. Halos 6 na taon na ang datos.
Bakit dapat bigyan ng pansin ang labis na katabaan at sobrang timbang?
Ang obesidad ay pampublikong alalahaning pangkalusugan dahil ang obese ay madaling kapitan ng noncommunicable diseases. Kabilang ang non-communicable na sakit sa puso, altapresyon, diabetes at kanser sa nangungunang mga dahilan ng kamatayan sa bansa.
Ang isa sa dapat itulak ay imulat at turuan ang publiko, lalo ang mga bata, sa pagpili ng pampalusog na pagkain at ang kahalagahan ng pisikal na aktibidad.
At tumbukin din ang mga paraan at hakbang para maibaba ang presyo ng masustansya at pampalusog na pagkain.
May lunas ang obesidad ng katawan, ewan ko lang kung gagaling din ang labis na katabaan ng bulsa ng iba diyan.
153 