TARGET ni KA REX CAYANONG
MABIGAS na araw nga sa lalawigan ng Nueva Ecija! Sa mga bayan ng Cuyapo, Cabatuan, Malineng, Ungab, at Villa Flores, ramdam ang saya at pasasalamat ng mga mamamayan sa libreng sako-sakong bigas na ipinamigay ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pinangunahan nina Vice Governor Gil Raymund Umali at dating Gobernador Czarina Umali ang pamamahagi—isang patunay ng tunay na malasakit sa bawat pamilyang Novo Ecijano.
Ang simpleng pamimigay ng bigas ay hindi lamang ayuda, kundi simbolo ng pagkalinga at pagkakaisa.
Siyempre, sa panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, ang ganitong programa ay nagbibigay ng agarang ginhawa sa mga kababayan nating hirap makaraos sa araw-araw.
Ipinapakita nito na sa Nueva Ecija, ang gobyerno ay hindi bulag sa pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.
Ngunit higit pa sa ayuda, malinaw ang mas malaking mensaheng gustong iparating ni Governor Aurelio “Oyie” Umali—ang panawagan na repasuhin ang Rice Tariffication Law. Sa halip na makatulong, lalo nitong pinahirapan ang mga magsasaka dahil bumagsak ang presyo ng palay.
Ang kapitolyo ay patuloy na bumibili ng palay sa halagang ₱15 kada kilo, doble sa kasalukuyang bentahan sa merkado, upang maibalik ang dignidad sa mga magsasaka.
Tama si Governor Umali: ang pawis, dugo, at hirap ng magsasaka ay hindi dapat isinusuko sa murang halaga.
Sa ganitong panahon, kailangang marinig ng Kongreso ang sigaw ng lalawigan na matagal nang tinaguriang Rice Granary of the Philippines.
Dapat nang pagtuunan ng pambansang pamahalaan ang tamang suporta at proteksyon sa sektor ng agrikultura.
Ang Nueva Ecija ang kauna-unahang lalawigang nagsagawa ng sistematikong programa ng pagbili ng palay at libreng pamamahagi ng bigas—isang modelong dapat tularan ng iba pang probinsya.
Hindi ito simpleng proyekto. Ito ay repleksyon ng Serbisyong may Puso at Hustisya ng mga Umali.
Kaya ang araw na iyon ay hindi lamang “mabigás” sa literal na pakahulugan. Aba, iyon din ay araw ng pag-asa—pag-asang muling aangat ang kabuhayan ng mga magsasaka, at muling makikilala ang Nueva Ecija bilang puso at dangal ng agrikultura ng bansa.
Mabuhay ang Serbisyong Umali, at mabuhay ang mga magsasakang Novo Ecijano!
301
