ISA ang patay habang apat ang sugatan makaraang magkarambola ang sampung sasakyan sa kahabaan ng Mayon Avenue, Brgy. San Jose, sa bayan ng Rodriguez, sa lalawigan ng Rizal dakong alas-8 ng gabi noong Mayo 25, 2026.
Ayon sa pulisya, nawalan ng preno ang truck na may kargang semento at dahil sa matarik pababa ang kalsada ay mabilis itong dumausdos at nasagi ang kaliwang bahagi ng dalawang magkasunod na Asian Utility Vehicle (AUV) na minamaneho nina alyas “Michael” at “Johnlen”.
Nabundol din ng truck ang likurang bahagi ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) na minamaneho ni alyas “Christian” at isang sedan na minamaneho ni alyas “Erick” bago masagi ang isang pampasaherong minibus na minamaneho ni alyas “Jake” at nang dakong huli ay sa isa pang pampasaherong modern jeepney na minamaneho naman ni alyas “June”.
Dahil sa pagkabundol sa SUV, nasagasaan nito ang isang motorsiklo na nasa unahan at naipit sa ilalim ang driver na si alyas “Marson” na nagresulta sa pagkasawi nito.
Binundol naman ng sedan ang isang tricycle dahilan para mabangga naman ng tricycle na minamaneho ni alyas “Joel” ang isang van na minamaneho ni alyas “Jerry” at nagpang-abot sa pampasaherong minibus.
Kaagad namang isinugod sa Ynares Hospital ang mga sugatan upang mabigyan ng paunang lunas.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala samantalang nakakulong pansamantala ang driver ng truck at sasampahan ng kasong damage to property at multiple physical injuries.
(NEP CASTILLO)
67 