PINABUBUSISI ng House Committee on Public Accounts sa Commission on Audit (COA) ang paggamit ng P6.5 bilyong pondo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong 2024.
Partikular na tinututukan ng komite ang paggamit ng pondo mula sa Local Government Support Fund (LGSF) sa loob ng apat na buwang disbursement sa panahon ng dating Chief Minister Ahod B. Ebrahim.
Ayon sa komite, ang kaso ay nangangailangan ng “specialized forensic investigation beyond standard audit procedures” dahil sa mga posibleng kasong pandarambong, graft, at malversation of public funds na maaaring kaharapin ng mga dating opisyal.
Ang nasabing direktiba ay nakasaad sa Committee Report No. 1502, na nag-ugat sa mga isinagawang pagdinig hinggil sa umano’y “systematic scheme to redirect public funds.”
Hinimok ng komite ang COA na busisiin ang may halos P1.5 bilyong disbursement kada buwan noong si Ebrahim pa ang Chief Minister at sabay na nagsisilbing Presidente ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Ayon pa sa ulat, lumitaw ang mga anomalya — mula sa political favoritism hanggang sa mga posibleng financial kickbacks — na nangangailangan ng masusing imbestigasyon gamit ang specialized forensic capabilities ng COA.
Isinaad din sa report ang mga ebidensiya ng isang masalimuot na operasyon na umano’y naglalayong waldasin ang pondo ng bayan para sa pulitikal at personal na interes.
Sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan, napag-alamang P6.4 bilyon ang inilabas ng dating Chief Minister sa loob lamang ng apat na buwan bago ang nakatakdang unang BARMM Parliamentary Election na dapat sanang ganapin sa Mayo 2025.
Lumabas din na karamihan sa pondo ay napunta sa mga Local Government Units (LGUs) at barangay na kaalyado ng UBJP, habang ilang LGUs na maka-oposisyon ay hindi nakatanggap ng pondo.
Batay sa mga testimonya, ilang lokal na opisyal ang nagsabing napilitan silang tanggapin ang milyong pisong alok para sa mga proyektong hindi naman nila hiningi, habang ang ilan ay pinilit umanong isoli ang pondo sa pamamagitan ng tinatawag na “return-to-sender” arrangement matapos na maantala ang halalan.
May mga barangay din umanong nakakuha ng hanggang P25 milyon, ayon sa ulat ng komite.
(PAOLO SANTOS)
105
