PINALAGAN ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang inilabas ni Ramon “Mon” Tulfo na umano’y “destabilization list”, na tinawag niyang “kasinungalingan mula sa isang laos na journalist.”
“This guy must be really proud of his imagination — it’s the only thing working harder than his sense of journalism,” banat ni Duterte sa kanyang social media post.
Sa listahan ni Tulfo, 16 na indibidwal ang mino-monitor ng gobyerno dahil umano’y nasa likod ng planong destabilisasyon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasama sa listahan sina Romeo Poquiz, Orly de Leon, Benjamin Magalong (for confirmation), Johnny Macanas, Gerald Bantag, Col. Lachica, Col. Leonardo, Col. Metran, Capt. Dado Enriquez, Atty. Ferdinand Topacio, Vic Rodriguez, Mike Defensor, Chavit Singson, Rodante Marcoleta, Orlando Olamit, at alyas “Monk.”
Ayon pa kay Tulfo, posibleng “financiers” ng grupo sina Vice President Sara Duterte, Cong. Pulong Duterte, at Chavit Singson.
“If this so-called ‘list’ is his version of insider intelligence, then the only thing that needs confirmation is whether he still knows the difference between fact and fiction,” dagdag ni Duterte.
Sinabayan pa niya ng patutsada: “He claims he won’t reveal his source ‘kahit pitpitin ang bayag niya.’ Don’t worry, nobody’s interested — we’re just wondering kung naa pa ba mapitpit (if there’s still anything left to smash).”
Ayon pa sa kongresista, “nabubuhay sa tsismis” si Tulfo at ngayo’y puro pantasya na lang daw ang sinasabi nito.
“The only destabilization happening here is in his grip on reality. As if this bangag administration even needs a coup — it’s already in the final stage of self-destruction. Malaki siguro tinatanggap nito kay bangag, at kahit ano-ano na lang ang lumalabas sa bibig niya… laos na nga, sinungaling pa,” matalim pang banat ni Duterte.
Ayon sa kongresista, nakarating umano sa kanya ang impormasyon na nagnanais si Tulfo na maitalagang special envoy to China, posisyong dating hawak ng beteranong mamamahayag sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ipapa-Validate Ng Palasyo
Samantala, ipinauubaya naman ng Malacañang sa intelligence community ang pag-verify sa umano’y listahan.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kung may basehan man ang mga pangalan, hindi raw ito “tutulugan” ng Pangulo.
“It’s being monitored and validated by the AFP’s intelligence community. Hindi naman po ibig sabihin na nasa social media ay agad na dapat paniwalaan,” paliwanag ni Castro.
Dagdag pa niya, isa umano sa mga lumutang na pangalan ang lumapit pa kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner at hinikayat itong bawiin ang suporta sa administrasyong Marcos.
“Kailangan pong maimbestigahan ito nang mas malaliman. Maaaring freedom of expression ang sinasabi nila, pero kailangan nating tingnan kung parte na ito ng destabilization,” ayon pa sa opisyal.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
73
