‘KAIN LOAD’ NG ISPs TUTULDUKAN NG KAMARA

HINDI na dapat mawala ang binayarang data ng subscribers — ito ang malinaw na mensahe ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos aprubahan sa committee level ang panukalang Roll-over Internet Data Act, na magbabawal sa Internet Service Providers (ISPs) na i-forfeit ang mga hindi nagamit na data ng kanilang customers.

Ayon kay House information and communications technology (ICT) committee chairman Rep. Migz Villafuerte, naghihintay na lamang ang panukala na maisalang sa plenaryo para sa ikalawa at pinal na pagbasa.

Giit ni Villafuerte, panahon nang tapusin ang gawain ng ISPs na pinapabura ang mga unused data o ‘kinakain ang load’ kahit bayad na ito ng subscribers.

“Umaasa kami sa House ICT committee na agad na aksyunan ng Kongreso ang bill na mag-oobliga sa lahat ng ISPs na magpatupad ng roll-over data allocation system at tanggalin na ang expiration periods on loads,” pahayag ni Villafuerte.

Sa ilalim ng tatlong panukalang nakahain na kolektibong tinutukoy bilang “Roll-over Internet Data Act”, obligado ang mga ISPs na i-roll over ang lahat ng data na hindi nagamit ng prepaid at postpaid subscribers.

Sa kasalukuyan, ibinebenta ng mga ISP ang internet data na kailangang maubos sa loob ng takdang panahon. Kapag hindi nagamit, awtomatikong nag-eexpire kaya napipilitan ang subscribers na muling bumili para makapag-internet.

Ayon sa kongresista, hindi ito makatarungan, lalo’t pinaghihirapan ng mga tao ang perang ginagamit sa pagbayad ng data load.

Kapag naisabatas, lahat ng unused data ng postpaid users ay irorolyo sa susunod na buwan, habang para sa prepaid subscribers ay maaari pa rin nilang gamitin ang naunang biniling data kahit abutin pa ng ilang araw o buwan.

Sa mga lalabag na ISPs, nakasaad sa panukala na maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000 sa unang paglabag, at posibleng masuspinde o makansela pa ang kanilang lisensya, rehistro, o prangkisa kung patuloy na susuway.

(BERNARD TAGUINOD)

77

Related posts

Leave a Comment