TAUMBAYAN PINASASAMA SA PAGTUGIS SA MGA CORRUPT

IGINIIT ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na totohanin na ang pagsasapubliko sa kanilang pagdinig sa anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.

Ginawa ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang pahayag matapos kumpirmahin ni ICI spokesman Atty. Brian Hosaka na isasapubliko na ang susunod na pagdinig ng komisyon.

“Pending the passage of our proposed ICAIC bill, which the President must now certify as urgent, the ICI should honor its commitment to livestream its proceedings,” ani De Lima dahil ang unang ipinangako ng ICI na isasapubliko ang kanilang pagdinig noong nakaraang buwan ay hindi tinupad.

Ayon sa mambabatas, nararapat lamang na bahagi ang taumbayan sa imbestigasyong ito upang masiguro na walang itinatago ang komisyon na itinatag lamang sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 94 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa dami pa ng dapat imbestigahan, kung nakatago pa rin sa publiko ang kanilang mga proceedings, nasaan ang transparency? Tiwala ng taumbayan ang nakataya dito, hindi pwedeng maramdaman nilang pinaaasa at pinaiikot lang sila,” ayon sa lady solon.

Samantala, umaasa rin ang mambabatas na bibilisan pa ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang ebalwasyon sa mga ebidensya at ipa pang proseso upang maihain agad ang mga kaso sa Sandiganbayan.

Sa ngayon ay tanging ang kaso ni dating congressmen Zaldy Co at mga opisyal ng kanyang kumpanyang Sunwest Inc. at mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B ang kinasuhan at inisyuhan ng arrest warrants.

(BERNARD TAGUINOD)

54

Related posts

Leave a Comment