CAVITE –Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaki dalawang araw makaraang iulat na nawawala, na nabaril pala ng isang welder sa loob ng isang kumpanya sa Trece Martires City.
Kinilala ang biktima na si alyas “Ryan”, 32, isang helper, ng Brgy. Gregorio, Trece Martires City.
Hawak na ng Trece Martires City Component City Police Station ang suspek na si alyas “Edward”, 47, isang welder, ng Brgy. Conchu, Trece Martires City.
Ayon sa ulat, noong Nobyembre 22 bandang alas-9:30 ng gabi, napansin ng suspek sa loob ng CavDeal Motorpool sa Brgy. Conchu, Trece Martires City, na pagala-gala ang isang lalaki.
Sinaway umano ng suspek ang lalaki subalit imbes na tumalima ay tinutukan siya ng baril gayunman ay naagaw niya ito at binaril ang biktima.
Bagama’t may tama ng bala ng baril ang biktima ay nagawa nitong tumakas habang ang suspek ay bumalik sa loob at itinapon ang baril na ginamit, at ini-report sa naka-duty na guwardya ang insidente.
Kasama ang guwardiya ay binalikan nila ang pinangyarihan ng insidente ngunit hindi na nila nakita ang baril gayundin ang biktima kaya binalewala nila ito.
Makaraan ang dalawang araw, noong Nobyembre 24, narinig ng suspek ang hinggil sa isang nawawalang lalaki at pinaghahanap ito kaya ipinagtapat niya sa kanyang superior ang insidente.
Ini-report naman ito ng superior sa pulisya at pinuntahan ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng lalaki sa labas ng compound, dahilan upang arestuhin ang suspek.
Kinumpirma naman ng isang “Mary Grace” na ang natagpuang bangkay ay ang asawa nito na iniulat na nawawala.
(SIGFRED ADSUARA)
15
