ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL IDUDULOG SA SC

NAKATAKDANG dumulog sa Korte Suprema si Caloocan City Rep. Edgar Erice upang igiit na tuparin ng Kongreso ang konstitusyonal na mandato na magpasa ng anti-political dynasty law, sa kabila ng pagsasama nito sa apat na reform bills na inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na iprayoridad.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Erice na bagama’t muling nabuhay ang pag-asa sa panukala matapos itong isama ng Pangulo sa priority bills, hindi pa rin aniya sapat ito upang matiyak ang pagpapatupad ng probisyon ng Saligang Batas.

“Para sa akin, ito ang liwanag sa dulo ng isang napakahabang tunnel,” ani Erice, subalit idiniin na maghahain pa rin siya ng petisyon sa Korte Suprema upang atasan ang Kongreso na ipasa ang nasabing batas.

Ayon kay Erice, malinaw sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution ang pagbabawal sa political dynasty, ngunit nananatiling hindi naipapasa ang kaukulang enabling law sa loob ng 38 taon.

Dahil dito, sa halip na mabuwag, lalo pa umanong lumawak ang mga dinastiyang pampulitika sa bansa.

Sa kasalukuyan, may 13 panukalang batas na may kaugnayan sa pagbuwag sa political dynasty na nakahain sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms. Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, sisimulan ang mga pagdinig sa Enero 2026.

Dahil dito, hinamon ni Erice ang kanyang mga kasamahan sa Kamara at maging sa Senado na agarang ipasa ang mga panukala, na aniya’y mahalagang hakbang upang mapaunlad ang bansa at mapigilan ang lumalalang katiwalian sa pamahalaan.

“If you truly want to help the President and leave behind a legacy of genuine change,” ani Erice, “kung gugustuhin natin, madali nating maipapasa ang mga batas na ito, at ito mismo ang susi sa pagpigil sa korapsyon.”

(BERNARD TAGUINOD)

144

Related posts

Leave a Comment