NANAWAGAN ng pagbibitiw ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang ilang manggagawa sa sektor ng kalusugan sa kanilang inilunsad na kilos-protesta kahapon sa harap ng tanggapan ng DOH sa Tayuman, Maynila.
Ayon sa mga nagprotesta, may pananagutan si Herbosa sa paglipat ng halos ₱90 bilyong pondo ng PhilHealth patungo sa National Treasury—isang hakbang na idineklarang ilegal ng Korte Suprema.
Binatikos din nila ang umano’y kabiguan ng kalihim na tutukan ang kalagayan ng mga super health center at tiyaking hindi nagiging pulitikal ang paggamit ng pondo para sa serbisyong medikal ng mahihirap.
Iginiit pa ng mga raliyista ang pangangailangang matiyak na mananatiling libre ang mga pangunahing serbisyong medikal at gamot, lalo na sa gitna ng patuloy na krisis sa kalusugan sa bansa.
(JULIET PACOT)
55
