AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
IKINABAHALA ni Senador Erwin Tulfo ang P33 bilyong pondo para sa Farm-to-Market Roads (FMR) sa 2026 o P17 bilyong dagdag mula sa orihinal na mungkahi sa National Expenditure Program (NEP), dahil sa kawalan ng katiyakan na maayos itong maipatutupad.
Sinabi ng senador na mayroon siyang pag-aalinlangan dito dahil P33 bilyon ito. Napakalaking halaga nito. Bagaman alam niyang kailangan ito ng mga magsasaka, ang problema ay baka isipin ng publiko na inalis natin ang flood control projects, pero pinalitan naman namin ng farm-to-market roads sa unang araw ng pagpupulong ng Bicameral Conference Committee (Bicam) para sa 2026 Budget Law.
Ayon pa sa kanya, nanonood ang mga Pilipino sa kanila ngayon, at hindi maiiwasang mag-isip na baka magkaroon ng problema rito. At baka isipin din na ang pondo sa flood control ay ililipat lamang sa farm-to-market roads.
Ipinunto naman ni Senador Pia Cayetano na ang badyet para sa FMRs sa 2026 ay maaaring umabot pa sa P43 bilyon dahil sa P11 bilyong unreleased funds mula 2025.
Ayon pa sa senadora, napakarami niyan. At dapat nating tandaan na ang halagang ito ay [orihinal na] humigit-kumulang P16 bilyon. Ito ay halos times three… Nagtataka siya na ang masterplan ay hindi pa nabubuo.
Nilinaw naman ni House Appropriations Panel Chairman Mika Suansing na komprehensibo na ang masterplan ngunit hindi pa kasama ang ilang malalayong lugar.
Idiniin naman ni Senador Loren Legarda: “Kailangan ang mga FMR ngunit hindi dapat ipamahagi batay sa Congressional Districts kundi dapat ipamahagi o ipatupad ayon sa pangangailangan ng lugar, batay sa populasyon, lawak ng lupa, at iba pa, at hindi sa pamamagitan ng mga politically divided districts.”
Kaya nanawagan si Tulfo para sa katiyakan na ang safety measures ay naisasakatuparan nang tama. “Kapag sinabi nating may mga safety measures o guards na nakalagay, [nangangahulugan] na ito ay ipapatupad nang maayos. P33 bilyon, Mr. Chair, hindi iyan biro. Malaking halaga iyan na pera. Wala tayong flood control projects sa badyet ng 2026 at baka sabihin ng mga tao: ‘Baka nakakita na naman ang mga mambabatas na ito ng ibang paraan para makakuha ng badyet.'”
Kinakailangang gumawa ng mga hakbang ang mga mambabatas maging mula man sa Kamara o Senado, para maibalik ang tiwala sa kanila ng publiko dahil nasira sila nitong nakalipas na 2023, 2024 at 2025 na paglalaan ng pondo sa gobyerno na nabalot sa kontrobersiya ng korupsyon.
Basang-basa na ang papel ng mga mambabatas sa taumbayan dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa katiwalian sa budget ng gobyerno na kung saan kanya-kanya silang insertion para mailagay sa kanilang mga proyekto.
Matatandaan natin kamakailan, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na karamihan sa mga senador noong 19th Congress ay may insertion sa National Budget.
Kaya kahit na livestream ang pagtalakay sa 2026 budget ay maaari pa ring magduda ang publiko kung hindi magiging maingat ang mga mambabatas na naghihimay sa usaping ito.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
54
